Huling saludo

NGAYONG Huwebes ang libing ni Dado, ang kaibigan ko noong hayskul.

Ilang buwan din namin siyang “inalagaan,” pinaliguan ng linggu-linggong dalaw, hinimas-himas ng panalangin na sana’y ngumiti ang langit, maghimala ang Diyos at gumaling siya sa sakit na kanser.

May ibang plano pala ang Diyos.

Si Dado o Diosdado dela Cruz ang lider ng aming batch. Noong taong 2000, sa inisyatiba at pagsusumikap ni Dado ay matagumpay na nakapag-reunion ang Batch ’80 ng Dr. Yanga’s Francisco Balagtas Colleges matapos ang 20 taong pagkakanya-kanya.

Hindi na kami naghiwa-hiwalay mula noon.

Simula noong huling bahagi ng nakaraang taon, nang malaman ng marami na may kanser si Dado, linggu-linggo na namin siyang dinadalaw.

Dapat ay sa Sabado, Marso 26, pa ang susunod naming dadalaw. May mahalaga kasi akong meeting. Pero ewan ko ba at bigla kong naisip na mag-yaya sa mga ka-batch na dalawin si Dado noong nakaraang Sabado, Marso 19.

Ganap na 5:45 ng umaga iyun ay binawian ng buhay si Dado. Hindi na niya kami nahintay.

Pumunta pa rin kami, pero hindi na upang maghatid ng ngiti sa naghihirap naming corps commander, na naging buto’t balat na halos mula sa pagkakaroon ng katawang matipuno, kundi upang masilayan ang kaibigan at makiramay sa kanyang balong si Malou, isa ring ka-batch.
Kinabukasan ng umaga, bagama’t halos ayaw sumunod ng aking mga daliri, ay nag-post ako ng mensahe sa aming facebook group na tinawag naming “Saludo Kay Dado.”

“Dear batchmates, kagabi ang unang araw ng burol ng ating kaibigang si Diosdado ‘Dado’ dela Cruz. Sa emosyonal na pagkakataong ito ay nagkasama-sama muli ang marami sa atin upang ipakita kay Malou, sa anak nilang si Kathleen, at pamilya ng ating lider ang ating pakikiramay sa kanila.

“Sa Huwebes ng hapon ang paghatid kay Dado sa huling hantungan. Napagkasunduan na ang lahat ng batchmates na makikipaglibing ay magsusuot ng puting pangitaas at itim na armband.

“Ipinakikiusap din na sa Miyerkules, ang huling gabi ng lamay, ay mangyaring pumunta ang lahat sa burol ng ating kaibigan. Ito na ang ilang huling pagkakataong mag-pugay kamay sa kanya….”
Matapos nito ay hindi ko na mapigil magdagdag pa ng isa pang mensahe sa fb group: “Para sa akin, si Dado ang sumisimbolo ng buhay ko sa high school… Yumao na si Dado noong Sabado. Hudyat ba ito na kasama niyang malilibing sa hukay ang mga alaala ng hayskul? Titigil na ba ang pagkakaisang pinaghirapan niyang mabuo? Sana ay hindi.

“May ibinigay si Pareng Dado sa atin na hinding-hindi maibibigay ninuman–ang magbalik sa ating ugat, ang matagpuan ang mga wagas na kaibigan na unang nakilala simula noong mga inosenteng taon pa ng buhay, ang matagpuan ng mga kasamang mababalikan, mahihingahan, makakaunawa, kung ang iyong mundo (kung saan ka man napadpad) ay magkaputa-puta.

“Ano ang maisusukli ko kay Pareng Dado sa ibinigay niya sa akin? Hindi ko pa alam.

“Pabirong sabi niya noong minsang dinalaw namin siya, ‘Fortune, pag wala na ako, dadalawin kita.”

“Hihintayin ko na lang ang pagdalaw niya. Baka ibulong niya sa akin kung ano ang gusto niyang gawin ko.” Fort Nicolas

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply