‘Huwag magpadala sa kinang ng salapi’

NAGPAHAYAG ng labis na kalungkutan ang Simbahang Katoliko dahil sa kabiguang mailigtas mula sa pagkakabitay ang tatlong overseas Filipino worker (OFW) na isinalang nitong Miyerkules ng umaga sa lethal injection sa China dahil sa kasong drug trafficking.

Ayon kay Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez, nakikiramay siya sa mga pamilya nina Sally Ordinario-Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Batain, na binitay dakong 9:40 ng umaga.

Kasabay nito, nanawagan din si Gutierrez kay Pangulong Benigno Aquino III na bigyan ng suportang pinansiyal, moral at sikolohikal ang pamilya ng mga OFWs.

Aniya, partikular na dapat na bigyan ng psychological assistance ay ang mga anak ng tatlong Pinoy dahil sa murang edad ng mga ito ay naranasan na nila ang mawalan ng magulang sa masaklap na pangyayari.

Umaasa rin si Gutierrez na magsisilbing aral sa lahat ang nangyari sa tatlong Pinoy, upang maging maingat na ang mga ito sa lahat ng pagkakataon at huwag magpadala sa kinang ng salapi, lalo na kung kikitain lamang ito mula sa masamang paraan.

“Sana po magsilbi itong aral sa lahat at maging maingat tayo sa lahat ng pagkakataon at huwag tayong padadala sa kinang ng salapi na kahit sa iligal na paraan ay papasukin natin para lang magkapera,” ani Gutierrez sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Hinamon pa nito ang Punong Ehekutibo na parusahan ang mga opisyal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Bureau of Immigration (BI) na umano’y nagpabaya nang hinayaan nilang makapagpuslit ng droga sa China ang mga naturang Pinoy.

Naniniwala si Gutierrez na may nagaganap na “hocus-pocus’ sa paliparan kaya’t kahit may dalang droga ay nakakalusot ang mga Pinoy.

“Mayroong hocus-pocus na nagaganap sa NAIA, kaya nakalusot ang tatlong OFW sa paliparan na mayroong dalang droga,” ani Gutierrez. 

Sinegundahan naman ito ni Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo, na nagsabing dapat na panagutin ng pamahalaan ang mga nagpabayang government officials, sa kaso ng mga binitay na OFWs.

“SOP talaga yan na maging istrikto tayo sa pag-tsi-tsek ng mga bagahe. Dapat talaga huwag tayong maging mabait sa pag-tsi-tsek ng mga bagahe sa mga paliparan. Dapat maging istrikto ang ating gobyerno dito at kung may dapat managot sa pagkakapuslit ng droga dito sa Pilipinas palabas ay dapat panagutin sila,” giit ni Bagaforo.

Kaugnay nito, hinamon ng Obispo ang gobyernong Aquino na iligtas sa parusang bitay ang daan-daan pang OFWs na nakahanay sa death row sa iba’t ibang bansa.

“We are making an appeal to President Aquino to exert all efforts explore all possibilities kung papano natin matutulungan ang ating mga kababayan na nasa death row,” ani Bagaforo.

Dagdag niya: “Hangga’t maaga pa lamang ay gumawa na nang aksyon ang gobyerno sa mga kasong ito.” Kyle Gatus

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply