Illegal recruitment pinatutukan sa LGUs

NANAWAGAN Miyerkules, Marso 30, si Interior and Local Government Secretary Jesse M. Robredo sa lahat ng lokal na opisyal na tutukang mabuti ang pag-iinspeksiyon sa mga lisensiyadong  recruitment agencies sa kani-kanilang lokalidad.

“Kailangan ng suporta ng mga local government units sa malawakang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal recruitment dahil marami pa rin sa ating mga kaawa-awang kababayan ang  nabibiktima ng mga tusong illegal recruiters,” ayon kay  Robredo.

Ang nasabing panawagan ni Robredo ay bunsod ng talakayang isinagawa ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at Anti-Illegal Recruitment Task Force kamakailan.

Sa kanyang direktiba, inatasan ng kalihim ang mga  provincial governors, city at municipal mayors at ang regional governor ng  ARMM na kanselahin agad ang mga business permit ng mga ahensiyang mapapatunayang sangkot sa illegal recruitment at human trafficking at kasuhan ang mga ito.

Kasabay nito, binalaan ni Robredo ang mga lokal na opisyal na mahaharap sa disciplinary action for gross negligence o dereliction of duty na hindi aaksiyon sa kanyang panawagan laban sa illegal recruitment at human trafficking sa kanlang nasasakupan.

Inatasan din ni  Robredo si  Philippine National Police chief, Director General Raul Bacalzo  na magmanman  at tumulong sa pagsasampa ng kaso laban sa mahuhuling illegal recruiters at human traffickers.

Noon lamang nakaraang linggo ay nailigtas ng mga awtoridad sa Zamboanga ang may 82 kababaihan mula sa Visayas at Mindanao na tangkang ipuslit patungong  Malaysia.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na isang malaking organisadong grupo ang nasa likod ng operasyon sa tangkang pagpuslit ng mga nasabing kababaihan na walang mga travel documents na magtatrabaho sa abroad bilang domestic helpers o prostitutes.

Batay sa records ng  Philippine Overseas Employment Agency (POEA) lumilitaw na sa 1,610 mga kaso ng  illegal recruitment noong 2009 na naisampa ng may  469 complainants ay may 74 ang naaresto at anim na establisimiyento ang naipasara. Alex Ching

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply