Isang buwan na libreng tawag sa OFWs sa Japan, Libya inilunsad

ISANG buwan na libreng tawag sa pamamagitan ng OFW Helpline ang inilunsad ni Sen. Manny Villar sa pakikipagtulungan ng programang ‘Bantay OFW’ ni Toots Ople, maririnig sa DZXL-RMN Manila.

Ayon kay Villar, tagapagtaguyod ng kapakanan at kagalingan ng mga OFW, mabibigyan ng pagkakataon ang mga pamilyang Pilipino na matawagan at kamustahin ang kanilang mga mahal sa buhay sa alinmang panig ng mundo, partikular sa mga bansang humaharap ngayon sa matinding krisis at trahedya gaya sa gitnang silangan, Japan at maging sa New Zealand.

Binigyang diin ni Villar na hindi maikakailang naghihirap ang loob ng marami sa mga Pinoy dahil marami sa kanila ang walang alam sa sitwasyong dinaranas ng kanilang mga mahal sa buhay na naiipit sa kaguluhan sa Libya, Bahrain at iba pang bansa sa gitnang silangan.

Lalo pa aniyang nakakaawa ang dinaranas na pag-aalala at pangungulila ng pamilya at kamag-anak ng mga Pilipino na namatay sa lindol sa New Zealand gayundin daan-daang libong Pilipino na nangangamba sa kanilangbuhay dahil sa radiation threat sa Japan.

“Yung malaman man lang ng mga kababayan nating nasa Pinas kung ano na ang sitwasyon ng kanilang mga kaanak sa ibang bansa ay isa nang malaking kabawasan sa kanilang matinding pangungulila at pangamba. Kahit paano, mapapanatag ang kanilang kalooban lalo pa kung maririnig nila ang boses ng kanilang mga mahal sa buhay at makakausap nila kahit sa telepono man lang,” ayon pa kay Villar.

Pinasalamatan ni Villar ang pamunuan ng RMN Manila at si Toots Ople, pinuno ng Ople Policy Center dahil sa pakikipagtulungan ng mga ito sa kanyang proyektong ‘libreng tawag’ sa radyo.

Kaugnay nito, nanawagan si Villar sa mga nais makausap ng libre ang kanilang mga mahal sa buhay sa abroad na magtungo sa himpilan ng DZXL, 4th floor, Guadalupe Commercial Complex, lungsod ng Makati mula alas 9 ng umaga hanggang alas dose ng tanghali.

Ang ‘libreng tawag’ ay tatagal hanggang Abril 23. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply