Itinaas na sa P2M ang reward sa killer ni JT

ITINAAS na sa P2 milyon ang pabuyang ibibigay sa sinumang makapagtuturo ng taong responsable sa pagpatay sa political adviser ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos na si Jun “JT” Torres.

Ang pabuya ay itinaas matapos na mainip si Mayor Abalos, dahil halos isang buwan na ang nakalipas nang paslangin si JT ay hindi pa rin nadarakip ng pulisya ang salarin sa kabila ng sunod-sunod na isinasagawang follow-up operation.

Bukod sa binuong task force Torres ng Philippine National Police (PNP), humingi na rin ang alkalde ng tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) para pumasok sa imbestigasyon at sa ginagawang pagtugis sa mga salarin ni JT at upang matukoy ang utak ng krimen.

Naniniwala si Abalos na mapapabilis ang pagresolba sa kaso ng pagpatay sa kanyang kababata, kaibigan at kumpare sa pamamagitan ng pagbibigay ng dagdag na reward.

Ang unang P1-milyong pabuya ay manggagaling sa pamahalaang lungsod ng Mandaluyong at ang karagdagang P1-milyon pa ay magmumula sa mga nagmamahal na kaibigan ni JT.

Nauna rito ay sinabi ni Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Francisco Manalo na tukoy na nila ang pangunahing suspek bunsod na rin ng impormasyon na ibinigay sa kanila ng mga testigo sa krimen.

Gayunman, tumanggi si Manalo na ibigay ang pagkakakilanlan ng suspek para hindi “masunog” ang ginagawa nilang manhunt operation. Jhie Convocar

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply