JELAC ipinapupulong kay PNoy

HINILING ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. kay Pangulong Noynoy Aquino na pulungin ang Judicial Executive Legislative Advisory and Consultative Council (JELAC) upang maayos ang gusot na nagaganap sa pagitan ng tatlong sangay ng pamahalaan para sa pagsusulong ng pambansang interes.

Ani Revilla, dapat tigilan na ang paninira sa bawat isa dahil sa dami ng mga problemang kinakaharap ng bansa.

“Tigilan na natin ang turu-turuan at paninisi. Dapat nating pag-ukulan ng pansin ang kooperasyon sa pamahalaan upang makamit ang pangakong magandang buhay, maayos na pangangalagang-pangkalusugan at mas malaking oportunidad para sa ating mamamayan,” giit ng senador.

Nababahala si Revilla na lalong lalala ang problemang pang-ekonomiya at pulitikal sa bansa kung magpapatuloy ang bangayan ng ehekutibo, lehistrado at huridikatura.

Dahil dito, kailangan nang pulungin ang JELAC upang mabatid ang kahalagahan ng konsultasyon, koordinasyon at pagkakaisa ng tatlong institusyon sa pagpuksa ng kahirapan, graft and corruption at iba pang malalaking problema ng bansa.

Ang mandato ng JELAC ay nagsisilbing lugar kung saan ang mga kinatawan ng tatlong sangay ng pamahalaan ay nagsasagawa ng mga hakbang na may kinalaman sa primacy ng rule of law, alamin ang problema at isyung kinakaharap upang makagawa ng solusyon at maipatupad ito.

Ang JELAC ay may siyam na miyembro na pinamumunuan ng pangulo at ang mga miyembro ay ang vice president, senate president,  house speaker, chief justice at cabinet member na itatalaga ng Pangulo, isang senador na itatalaga naman ng Senate President, isang House Representative na pipiliin naman ng Speaker gayundin ang isang miyembro ng High Tribunal na itatalaga ng Chief Justice. Vicky Cervales

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply