Joko Diaz ipagpapatuloy ang legacy ng amang si Paquito

NAMATAY si Paquito Diaz na wala sa kanyang piling ang anak na si Joko Diaz kundi ang mga babae lang na supling ng beteranong kontrabida at ang isang anak na lalaki nito sa ibang minahal na babae.

Mga ilang oras kasi bago bawian ng buhay si Paquito sa kanilang tahanan sa Daraga, Albay ay umalis muna si Joko patungong Maynila para asikasuhin ang ilang bagay sa showbiz.

“Nagpaalaman pa kami ni Daddy. Binulungan ko siya. Sabi ko, madali lang ako. Magpahinga siya. Tapos, sumenyas siya sa akin ng okey, ‘yong thumbs up,” pagtatapat ni Joko sa isang eksklusibong panayam.

Pero tinawagan na lang siya ng kanyang inang si Nena Gutierez at sinabing pumanaw na ang kanyang ama.

Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang batang aktor. Dagli siyang bumalik sa lalawigan.

***

Hanggang ngayon ay pagod, puyat, lito pa si Joko sa pag-aasikaso sa mga labi ng kanyang ama bagama’t nakahimlay na ang mga ito sa Paz Funeral Homes sa loob ng Manila Memorial Park sa Parañaque City .

“Kasi, nang isasakay na namin si Daddy sa eroplano, biglang nag-cancel ng flight kaya nagulo ang schedule. Pero at least ngayon, nakakapagpahinga na ako,” pahayag ni machong bituin.

Siya ang laging nagbabantay sa kanyang maysakit na ama noon sa lalawigan.  Pero ang mga babae niyang kapatid ay nagtungo agad sa Daraga nang masama na ang lagay ng kanilang ama.

“May isa akong kapatid sa Cebu , dumating siya sa Bicol. Tapos, ‘yong isa kong kapatid, galing sa Maynila at ‘yong isa, nasa Bicol na,” pahayag ni Joko.

***

Sinabi ng morenong aktor na ipinagkaloob na nila sa kanilang ama ang lahat ng hiniling nito bago mamatay mula pagkain hanggang inumin.

Noon ay si Joko ang nag-aasikaso ng gamot ng kanyang ama.  “Kasi, ako ang nakakaalam kung sinong tao o saan kukunin ‘yong gamot pero kahit ang mga kapatid ko, nag-aasikaso rin ng gamot ni Daddy,” paglilinaw ng kontrobersyal na aktor.

Naalala niya ang kabaitan ng kanyang ama.

“Kabaligtaran siya ng kanyang image na kontrabida. Pag may pera ‘yan at may humihingi ng tulong, kahit ‘yong pinakahuling sentimo sa kanyang bulsa, ibibigay niya.

“Pag nga nagpupunta sa shooting si Daddy, may nakaimbak ng isang case na beer ‘yan sa likod ng kotse niya. Kasi, ayaw niyang siya lang ang iinom, e. Gusto niya, makapag-share,” kuwento ng aktor.

***

Ipagpapatuloy ni Joko ang legacy ng kanyang ama sa showbiz.

“Sana , may network na magtiwala sa akin para maipagpatuloy ko ang legacy ni Daddy. Gusto ko talagang maging active.

“Bahala ang mga network kung gusto ako. Nand’yan din naman si Ate Nene (Riego), ang manager ko. Depende ‘yan sa kanya,” sabi ni Joko.

Magpaliit lang ng tiyan ay bidang-bida pa rin ang tindig at porma ng batang Diaz.  Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply