Jueteng winners tinakbuhan ng operators sa Baguio

BAGUIO CITY-Hinahabol sa lungsod na ito ang tatlong namamahala ng jueteng na nakilala sa mga alyas na Alvarez, Aquino at Neri dahil hindi umano sila nagbayad sa mga nanalong mananaya ng naturang iligal na sugal kamakalawa.

Isang konsehal sa lungsod ang nagbunyag sa Remate na mahigit P2 milyon ang bayarin ng sinasabing bangka ng iligal na sugal sa Baguio at mga karatig na lugar ang hindi ibinigay sa mga mananaya.

Sa kasalukuyan, hindi na makontak ang sinasabing mga namamahala na nagmula pa umano sa Laguna at Caloocan City.

Ayon sa konsehal, hinahanap ng winning bettors ang grupo nina alyas Alvarez, Aquino at Neri mula Kennon Road hanggang sa iba’t ibang sulok ng lungsod dahil hindi mahagilap ang tatlo na ikatatakot naman ng mga kubrador ng iligal na sugal dahil sila umano ang pinapanagot.

Dagdag pa ng konsehal, nakipagtulungan na sa kani-kanilang mga kakilala sa pulisya at barangay officials ang mga nasabing nanalong mananaya para tingnan kung may posibleng kasong maisampa laban kina alyas Alvarez, Aquino at Neri.

Nabatid na si Alvarez na tumatayong nasyonal operator habang si Aquino ang tumatayong nag-ooperate sa lokal at si Neri na dating direktor ng pelikula ang tumatayong bangka ng mga iligal na jueteng sa nabanggit na lungsod.

Nagbubulag-bulagan na lang umano ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan at kunwari ay wala silang alam sa iligal na operasyon ng jueteng kapalit ang kinsenas-katapusan na payola sa kanila mula sa mga nabanggit na gambling lord.

Pinagmamalaki pa ng tatlo na may basbas na sa kanila si PNP Regional Director PC/Supt. Villamor Bumanlag na mag-opereyt na sila ng iligal na jueteng kaya hindi sila takot at walang makagagalaw sa kanilang mga iligal na hanapbuhay.

Napag-alaman pa na lantaran ang pagpapataya ng mga kubrador ng jueteng na pati sa loob at harap ng police station at munisipyo ay may nagpapataya kaya hindi maipagkaila ni Baguio City Police Office Director David Lacdan na hindi niya alam ang operasyon ng jueteng sa kanyang hurisdiksyon.

Dahil dito, hinamon ng mga ito si PNP Chief Director General Raul Bacalzo na ipatupad na ang one-strike policy ng PNP kung saan agad na patatalsikin sa puwesto ang sinomang mahuhulihan ng mga pasugalan sa Baguio.

Nabatid na lantaran din ang bookies ng jueteng at EZ-2 nina Tiago, Bong, Lando, Bolinao, Tony, Kayong at Elmo sa nasabing lungsod na umano’y meron ding kinsenas-katapusan na payola para kay Lacdan at Bumanlag mula sa mga ito kaya malinaw na malinaw na may basbas na ang mga ito sa mga nabanggit na opisyal ng pulisya. Benito de Guzman

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply