Kabataang HIV carriers dumadami

NANGANGAMBA ang Department of Health (DOH) sa posibilidad na maging epidemic sa hinaharap ang pagtaas ng kaso ng mga kabataang may human immunodeficiency virus (HIV), matapos lumitaw sa kanilang record na isa sa bawat tatlong HIV patients o one third ng HIV patients sa bansa ay pawang kabataan, o kabilang sa 15-24 year old bracket lamang.

Ayon kay Dr. Eric Tayag, director ng National Epidemiology Center (NEC) ng DOH, nagkaroon din ng biglaang pagtaas ng kaso ng mga Pinoy adolescent na HIV-positive sa nakalipas na huling apat na taon.

Batay sa rekord, mula sa 44 kaso ng kabataang positibo sa HIV noong 2006 ay lumobo sa 484 noong 2010.

Sa ginanap na United Nation Children’s Fund (UNICEF) presentation ng “State of the World’s Children,” nitong Miyerkules, ibinunyag din ni Tayag na ang mga pasyenteng nagkaroon ng HIV bago sumapit ng 24-taong gulang ay may malaking posibilidad na mag-develop ng Acquired Immune Deficiency syndrome (AIDS) bago sumapit ng edad na 40.

Ani Tayag, nangangahulugan ito na ang pagdami ng bilang ng HIV-positive adolescents ay pagdami rin ng bilang ng AIDS patients sa bansa sa hinaharap.

Sa UNICEF report, lumilitaw na ang Pilipinas ay isa sa pitong bansa kung saan ang HIV cases ay tumaas ng mahigit sa 25 porsiyento mula 2001 hanggang 2009, kabilang din ang mga bansang Armenia, Bangladesh, Georgia, Kazakhstan, Kyrgyzstan at Tajikistan.

Sa Pilipinas, umaabot na sa 6,015 HIV cases ang naitala mula 1984 hanggang 2010, at ang pinakamataas na bilang ng bagong HIV cases ay naitala noong nakaraang taon na umabot ng 1,591.

Kaugnay nito, sinabi ng UNICEF na nais nilang mag-invest sa may 1.2 bilyon adolescents na nagkakaedad ng 10 hanggang 19-taong gulang sa buong mundo, upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng HIV cases, partikular na sa Pilipinas.

Anang UNICEF, one fifth ng populasyon ng buong mundo ay adolescents at mahigit sa kalahati o 330 milyon adolescent ay matatagpuan sa Asya.

Sa Pilipinas pa lamang, aabot na sa 20 milyon ang mga taong nasa 15 at 24 age bracket, at ayon kay UNICEF country representative Vanessa Tobin, walang dudang ang HIV/AIDS sa Pilipinas ay may “adolescent face.”

Sa kabila naman nito, sinabi ni Tayag na ginagawa nila ang lahat upang maiiwas sa sakit na HIV ang mga kabataan sa pagpapatuloy ng kanilang ‘ABC campaign’ laban sa HIV, o ang ‘Abstain, Be faithful, at paggamit ng Condom.’

Kabilang din sa tinatawag na HIV risk groups ang men who have sex with men (MSM); female sex workers; at injecting drug users. Kyle Gatus

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply