Kailangan ang astig?

NGISING-ASO ang kaibigan ko habang binibida ang kanyang “idol” na si Manila Mayor Fred Lim, ang tinaguriang “Dirty Harry” ng Pilipinas.

Wala raw kalaos-laos ang idolo niya.

Natatawa siya kung paano niya pinasuko ang limang pulis-Maynila na umano’y nagbulsa ng nawawalang P10.6-milyon ransom money sa isang Malaysian na negosyante na kinidnap noong Marso 7, 2011.

“Simpleng-simple, Pards,” ayon sa aking kaibigan na malagihay na. “Nag-isyu lang ng shoot-to-kill order! Aba’y parang mga asong nakabahag ang buntot na sumuko! Takot lang nila kay Lim.”

Alam daw kasi ng mga “astig-astigang mga pulis na kriminal na ‘yan” na di sila sasantuhin ng mayor ng Maynila.

“Pards, kilala naman natin si Mayor Lim. No-nonsense ‘yan. Hindi nangba-bluff ‘yan,” pahayag ng aking kaibigan sabay lagok sa kanyang pang-apat na serbesa.

Eh ano ang masasabi ko kundi ang sumang-ayon. Ang ibang mayor, lalo na sa mga urbanisadong siyudad o munisipalidad, ay mga pulitikong nakaupo lang sa kanilang malalambot na executive chairs. Pautos-utos at ayaw maarawan.

“Ito ang susi kung gusto mong pasunurin ang mga Pinoy,” sabi ng kaibigan ko. “Marami kasing siga sa Pilipinas.”

Hamon pa niya: “Pards, sino ba ang katulad ng idol ko? Sino?!”

“Meron, Pards. Sina Duterte at Hagedorn,” sagot ko. Ang tinutukoy ko ay sina dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte at ang nagbabalik na alkalde ng Puerto Princesa City na si Edward Hagedorn.

Sumandaling nagitla ang aking kaibigan, natahimik, tumingin sa kisame, tumungga ng serbesa at nagsabing, “Kunsabagay….”

Ang konklusyon namin ay hindi uubra ang lelembot-lembot na lider sa mga Pinoy.

“Ang Pilipinas, Pards, ay isang malaking bayan na puno ng mga siga,” sabi ng kaibigan ko. “Kung hindi ka magpapaka -astig, babatuk-batukan ka lang.”

Dahil natira ako sa Davao City sandali, naibahagi ko sa kaibigan ko ang isang kwentong narinig ko tungkol kay Duterte.

“Noong pugad pa ng mga drug pusher ang Davao, Pards, nagkaroon ng mga kaso ng salvage ng mga pinaghihinalaang drug pushers,” sabi ko. “Siyempre, hindi inamin ni Duterte na siya ang nasa likod nito.”

Ikinuwento ko na sa gitna ng mga insidenteng ito ay nag-guest si Duterte sa isang radio program. Sa interbyu, humiling si Duterte sa anchorman kung pwede siyang bumati. Siyempre pinayagan siya.

“Binabati ko po ang mga sumusunod…” at binasa niya ang isang mahabang listahan ng mga pangalan. Kinabukasan, napuno ang terminal sa may Ecoland Subdivision. Marami ang nagpulasan papunta kung saan-saan, basta makalabas lang sa siyudad ng Davao at makalayo kay Mayor Duterte.

“Pards, may isa pa nga raw na nakikiusap sa mga pulis na ikulong siya dahil drug pusher siya,” natatawa kong kwento. “Ayaw ma-salvage. Ha! Ha! Ha!”

Napagkwentuhan din ang “himalang” nagawa ni Hagedorn sa lungsod ng Puerto Princesa. Dati kasi ay “Wild, Wild West” ito, pero napatino ng look-alike ni Erap Estrada.

“Sana dumating ang panahon na hindi na kailanganin ng mga Pinoy ang mga astig na lider bago sumunod at gumawa ng matino,” sabi ko.

“Malalim ang sinabi mong ‘yan, Pards,” sabi niya. “Iisa lang ibig sabihin n’yan.
Hindi ka pa lasing. Waiter, alak pa!” Fort Nicolas

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply