Kailangan nang manindigan sa langis

SA magkaibang pananaw ng Senado at Malakanyang ukol sa pagpepresyo ng mga kompanyang langis ng kanilang mga produkto, lumalabas na hindi maganda ang kalagayan ng bansa sa kamay ng nasabing mga kompanya.

Sa madaling salita, Suki, habang sinasabi ni  Sen. Ralph Recto na niloloko o pinagsasamantalahan tayo ng mga oil company, inihahayag naman ng Malakanyang na oki lang ang ginagawa ng mga ito.

Kung meron man silang nagkakaisang posisyon, walang iba kundi ang paninikluhod nila sa mga kompanya na huwag magsamantala.

Sa huli, lumalabas ang kainutilan ng buong pamahalaan sa harap ng mga kompanya ng langis at tila walang kuwenta ang warning shot ng gobyerno na mahigpit na nagbabantay rito.

oOo

Ang tanong natin: wala na ba talagang magagawa ang mga onorabol sa problema sa presyo ng mga produktong petrolyo o kaya sa paghahari-harian ng mga kompanya ng langis?

Sinasabi ng Malakanyang na walang kakayahan ang gobyerno para gumawa ng mga hakbang gaya ng pagsasabansa ng industriya ng langis  o tulungan si Juan sa pamamagitan ng subsidyo.

Totoo naman kaya ito?

Pero hindi kaya may mas malalalim pang mga dahilan?

Una, ano ang dahilan at ayaw bilhin muli ng gobyerno ang buong Petron para may pangontra sana sa ibang mga kompanya ng langis sa ugali ng mga ito na nag-o-oil price hike lagi?

Ikalawa, ano ang interes ng mga onorabol sa nasa P100 bilyong EVAT sa langis taon-taon at ayaw nilang magbawas dito para sa kapakanan ni Juan?

Ikatlo, hindi kaya mas gusto pa ng mga onorabol na maging tuta ng mga dayuhan kaysa manindigan at ipaglaban ang kapakanan ng mamamayan?

Bakit kaya sa kainutilan, pera-pera at buhay-tuta na lang nabubuhay ang mga onorabol? Hu! Hu! Hu! -Rey Briones

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply