Kaligtasan ng OFWs sa Bahrain tiniyak ni PM Khalifa

PERSONAL na siniguro ni Bahrain Prime Minister Prince Khalifa bin Salman Al Khalifa kay DFA Secretary Albert del Rosario ang kaligtasan ng bawat overseas Filipino worker (OFW) na nananatili sa kanilang bansa sa kabila ng kaguluhan.

Ito ang inulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Malakanyang matapos ang pulong ng dalawang opisyal sa pagbisita ni del Rosario sa naturang bansa.

“Meeting at his residence in Riffa, Prime Minister Khalifa assured Secretary Del Rosario of the safety of the Filipinos and promised that the government of Bahrain will look after them as if Filipinos were their own,” ayon sa huling report ng DFA kay Pangulong Benigno S. Aquino III.

Tiniyak pa ng Punong Ministro ng Bahrain na unti-unti nang lumalamig ang sitwasyon sa kanilang bansa at nakatitiyak ang gobyerno ng Pilipinas sa pagbabalik sa normal ng kanilang seguridad.

Ipinarating din ni PM Khalifa ang pasasalamat sa bawat migranteng Pinoy na nagpatuloy sa kanilang trabaho sa Bahrain sa kabila ng nararanasang mga kilos-protesta laban sa pamunuan ng naturang bansa.

“They deserve good treatment. They will be treated like our people. We will make them feel that whatever the Bahraini gets, they will get too,” saad pa sa naturang report sa Palasyo.

Mayroong 40 OFWs ang kasalukuyang naninilbihan sa official residence ni PM Khalifa.

Kaugnay nito, maliban sa DFA Secretary, nakipagpulong din si PM Khalifa sa ilang ambassadors na kinabibilangan nina Philippine Ambassador Corazon Yap-Bahjin at mga kinatawan ng mga bansang India, Bangladesh, Pakistan at Thailand.

Dito ay muling inihayag ng Bahrain Prime Minister na nirerespeto ng Bahraini government ang karapatan ng lahat ng dayuhan sa kanilang teritoryo at makaaasa ng proteksyon sa kanilang kaligtasan, na kinabibilangan na rin ng OFWs na nasa nabanggit na bansa.

Sa kasalukuyan ay pinaiksi na ng Bahraini government ang ipinatupad na curfew na dati ay alas-4 ng hapon hanggang alas-4 ng madaling-araw sa alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw sa mga lugar na pinag-darausan ng mga demonstrasyon. Axel Sam

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply