Kamara ipit sa kaso ni Rep. Ronald Singson

PALAKI na ng palaki ang panawagan kay Ilocos Sur Representative Ronald Singson na magbitiw na ito sa kanyang tungkulin matapos mahatulan kamakailan ng korte sa Hong Kong ng pagkakakulong ng 18-buwan dahil sa kasong drug trafficking.

Sa Facebook at Twitter, kasama na rin ang iba pang personal blog sites, bumabaha ang komento ng maraming Pinoy patungkol sa kaso ni Rep. Singson.

Nangingibabaw sa mga komento ang paghimok sa mga mambabatas na agarang sibakin si Singson sa Kamara base sa ginawang pag-amin nito sa kanyang kaso na naging resulta upang siya ay sentensiyahang makulong ng Wanchai District Court sa Hong Kong.

Habang ang ibang komento naman ay ang paghimok mismo sa sentensiyadong kongresista na kusang magbitiw sa puwesto upang magbigay-daan sa ibang pulitiko o lider na umako sa kanyang puwesto at matugunan ang pangangailangan ng kanyang mga constituents.

Base na rin sa deklarasyon ng Comelec, puwedeng maglagay ng isang “caretaker” congressman sa Ilocos Sur sakaling magbitiw o sibakin si Rep. Singson. Puwede ring magkaroon ng special elections upang magkaroon ng lehitimong representante ang Ilocos Sur.

Pero depende ito sa reserbang pondo ng Department of Budget and Management at sa magiging desisyon ng House Electoral Tribunal.

Una nang nagpahiwatig si Gov. Singson na boluntaryong magbibitiw ang kanyang anak at agad na ipararating ito kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr. sakaling mag-desisyon ang anak sa mga susunod na araw.

Matatandaan na makaraang maglabas ng ruling ang naturang korte sa Hong Kong ay hinimok rin ni Speaker Belmonte si Rep. Singson na mag-resign na lamang dahil nakatutok ang buong mundo sa kung ano ang gagawin ng Kamara sa kaso ng kanilang kasamahan.

Nguni’t bukod kay Belmonte, ilang mambabatas na rin – kabilang sina Bohol Rep. Erico Aumentado, chairman ng House ethics committee, at Iloilo Rep. Niel Tupas Jr., chairman ng House justice committee —  ang nanawagan kay Singson na magbitiw na lamang sa lalong madaling panahon kaysa mapilitan ang Kamara na siya’y sibakin kaakibat ng sinasabi nilang “due process.”

Paniguro ng mga kongresista, tiyak na mawawala sa Kamara si Rep. Singson. Ayaw kasi nilang madungisan ang dangal ng Kamara ng kasong kinasangkutan nito.

Maging ang personal na kaibigan ni Rep. Singson na si Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casiño ay nanawagan sa kongresista na mag-resign na lamang at huwag nang hintayin na magdesisyon ang Kamara upang siya ay sibakin.

Pero kung kailan ihahain ni Rep. Singson sa Kamara ang kanyang boluntaryong pagbitiw ay walang nakatitiyak. Nalilito pa rin daw ang sentensiyadong kongresista tungkol sa bagay na ito.

Kamakailan, maraming nagulat sa panawagan ni Quezon City Rep. Vicente “Bingbong” Singson-Crisologo, tiyuhin ni Rep. Singson, sa kanyang mga kasamahang mambabatas na bigyan ng pagkakataon ang kanyang pamangkin na maipagtanggol ang sarili sa expulsion proceedings na planong gawin ng Kamara.

Ang ibig sabihin ni Rep. Crisologo ay hintayin muna ng Kamara na matapos ni Rep. Singson na bunuin ang sentensiya nito sa Hong Kong bago tuluyang isagawa ang expulsion proceedings.
May nakapagsabi daw kasi sa kanya na “planted” o itinanim daw ang ebidensiyang cocaine powder na na-rekober mismo kay Rep. Singson.

Komento ng ilang kaibigan natin, mukhang malayo at suntok sa buwan ang
panawagang ito ni Rep. Crisologo.

Anila, sapat na ang conviction ng korte upang pasimulan ang deliberasyon sa
pagsibak kay Rep. Singson sakaling tumangging magbitiw ito.

* * * * * * * * *

May nagtanong din sa akin kung pupuwedeng kasuhan din daw si Rep. Singson dito sa ating bansa dahil dito nagsimula nang dalhin niya ang droga patungong Hong Kong.

At dahil nga makapangyarihan siya, hindi na siya dumaan sa tinatawag na
mandatory inspection procedures sa Ninoy Aquino International Airport kung
kaya’t malaya niyang naipuslit ang droga patungong Hong Kong.

Napatunayan ang bagay na ito sa footage ng security camera sa loob ng NAIA na ipinakita sa mga news program sa telebisyon noon.

Ibig sabihin, dito pa lang ay nilabag na ni Rep. Singson ang batas natin kaugnay sa droga na binalangkas at aprubado ng mga mambabatas natin na katulad niya!

* * * * * * * * *
Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!
Boyet Munar

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply