Kantang ‘Lumba-Lumba’ sikat na alaala ni Paul Toledo

PARANG kailan lang ay masigla at nakalabing-isang kanta si Paul Toledo, ang isa sa mga nagpasimuno ng Pinoy rock sa Pilipinas, sa pagtitipon ng mga nagtapos sa St. Mary’s College sa Meycauayan, Bulacan isang linggo lang ang nakakaraan.

Kasama pa noon ni Paul si Congresswoman Villarica ng Bulacan at isang pari na kumanta rin.

Ngayon ay malamig nang bangkay si Toledo at nakaburol ang mga labi sa Filipinas Memorial Chapels sa Las Piñas.

Parang kung kailan lang ay kapiling ni Paul ang mga peryodistang pampelikula na sina Art Tapalla, Dennis Adobas, William Reyes, Danny Vibas at Arthur Quinto sa kaarawan ng character actor na si Jun Matibag sa Las Piñas at masaya pang nakikipagtsikahan sa mga ito pero sa isang iglap ay nawala siyang parang bula.

***

Huwebes ng gabi ‘yon nang nakaraang linggo nang makipagmiting si Toledo sa kanyang talent manager na si Zeny Marcelo-Poe, ang balo ni Conrad Poe at hipag ni Fernando Poe, Jr, para sa isang pagtatanghal sa Balete, Batangas kung saan ay haharanahin sana ni Paul ang alkalde nitong bayang ito na si Leovin Hidalgo.

Pinag-usapan nina Zeny at Toledo kung anu-ano ang gagawin, kakantahin, paano pupunta, saan magkikita-kita, anong sasakyan, anong oras kailangang nandoon sa antuking bayang ‘yon ang mga artistang kasama pa tulad nina Romy Robles, Ian de Leon, ang Jackstone, Bok Inciong ng Masculados at iba pa.

“Nang makita ko si Paul, nagtaka ako, ang lamig-lamig naman sa loob ng 711 sa may Casimiro sa Las Piñas pero pinagpapawisan siya at malamig pa. Kaya kumuha ako ng tissue paper at pinunasan ko siya sa mukha. Tapos, ang kanyang t-shirt, nagpapawis din.

“Ang isang nakapagtataka, sabi siya nang sabi sa akin na mabuti at nand’yan ako. Ang bait-bait ko raw. Tapos, krinurusan pa niya ako sa noo na para siyang pari. Sabi ko pa, ‘ano ka ba?’ Kumakain siya ng biscuits no’n at umiinom ng apple juice na nasa platik na bote. Tapos, nagyaya siya sa akin na puntahan daw namin si Anthony, ‘yong kanyang isang anak.

“E, hindi ko naman alam kung saan ang bahay ni Anthony. Kaya nag-taxi kami. Do’n na sa taxi siya inatake sa puso. ‘Yon, biglang-bigla, pinagpawis na naman siya nang malamig. At maputlang-maputla na siya, mas maputla pa nang nasa 711 kami. Kasi, may pumapasok namang liwanag sa taxi kaya nakikita ko ang mukha niya. Napaungol siya at napahilig sa akin pero ang bigat-bigat niya, parang batong malaki.

“Tapos, naramdaman ko, wala na siyang malay kaya nataranta ako at sinabi ko sa taxi driver na pakibilisan at dalhin kami sa pinakamalapit na ospital pero wala kaming makita hanggang sa may isang sulok, ang Divine Word Hospital. Do’n na siya inabot. Sabi ko sa mga doktor at hospital staff na gawin nila ang lahat para mailigtas si Paul,” buhay na buhay na salaysay ni Marcelo-Poe.

***

Pero binawian din ng buhay si Paul sa kamay ng mga doktor.

Mangiyak-ngiyak si Zeny at napapasigaw siya sa lungkot at pagkawala ng kanyang alaga.

“Ang dami-dami pa naman naming shows. Bukod sa pagkanta niya sa Ka Freddie’s at sa Master’s Den, may mga personal appearance kami kung saan-saang probinsiya.

“Sayang, ang galing pa naman ni Paul. Para ke pa’t tinawag siyang Rod Stewart of the Philippines? Kawalan siya sa showbiz. Sana naman ay bigyan siya ng panahon ng showbiz dahil ang dami rin naman niyang naiambag dito. Sana, may mga tribute rin sa kanya tulad ng ginagawa kina Francis Magalona o kina Marky Cielo. Kasi, marami rin siyang nagawa sa showbiz kaya lang ay hindi siya binibigyan ng pansin. Nakakaawa nga si Paul,” pahayag ni Marcelo-Poe.

Si Toledo ang nagpasikat ng mga kantang “Lumba-Lumba” at “Pasosyal-sosyal” na tanyag na tanyag noong mga 1980s at hanggang ngayon ay kinakanta pa ng ibang mga mang-aawit.  Boy Villasanta

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply