KC Concepcion hindi pa rin kagat ng masa

MAGKASABAY sina Jackie Rice at Iwa Moto na pumasok sa showbiz nang sumali sila sa Starstruck ng GMA-7 noon.  Magkaiba ang tipo ng kanilang mga kagandahan.  May lahing hapon kasi si Iwa, kaya singkit ang mga mata na very strong magdala ng kanyang personality, kay bumagay siyang magkontrabida sa mga teleseryeng kanyang nilabasan noon sa Siyete.

Tisay naman si Jackie na parang prinsesa ang dating ng byuti kapag nilagyan siya ng mga burloloy sa teleserye.

Sabay din sina Jackie at Iwa na kinastigong maparusahan noon ng pamunuan ng GMA-7 dahil sa kanilang pagiging pasaway, katulad ng bisyong paglaklak ng alak at pagyoyosi.  Hindi nga naman kasi iyon magandang halimbawa sa mga tagahanga nilang kabataan, lalo pa’t nagsisimula pa lang naman sila noon sa showbiz.

Sa kanilang dalawa ay mahaba ang naging dusa ni Jackie, dahil matagal siyang hindi binigyan ng project, habang si Iwa naman, dahil kinakitaan ng husay sa pag-arte ay dumiretso ang pagsikat, dahil sunod-sunod na teleserye ang ibinigay ng Kapuso network, kaya halos nakalimutan na noon sa showbiz ang pangalan ni Jackie Rice, dahil sa tagal ng kanyang pahinga.  Iniwan siya ni Iwa ng milya-milya sa kasikatan.

Kaya lang, nabaligtad ang kuwento ng kasikatan nina Iwa at Jackie.  Habang busy si Iwa sa kanyang career noon, ay hindi pinansin ng showbiz si Jackie sa kanyang pagbabalik.  Pero hindi pa rin siya sumuko.

Nadiskaril naman bigla ang career ni Iwa, dahil matindi pala siyang magmahal, kaya kapag may boyfriend siya, katulad sa naging lalim ng relasyon nila ni Mr. Mickey Ablan, ay medyo nagpahinga sa career niya si Iwa.  Hayun, biglang nakasingit si Jackie, dahil sa kanyang muling pagbabalik-showbiz, ay nagpakaseryoso na talaga.

Magaganda ang proyektong ibinigay sa kanya ng Siyete, dahil pambida na.  Nitong huli, bida na siya sa teleseryeng “Sisid” habang si Iwa, sa kanyang pagharap na muli sa kamera ay kontrabida lang siya ni Heart Evangelista sa “Dwarfina”.

********

MASAYA talaga ngayon ang lovelife ni Piolo Pascual, dahil sobrang in love siya kay KC Concepcion.  Nariyan pa rin naman ng matinding init ng kanilang popularidad.  Kaya lang, dahil masarap na putaheng pag-usapan ang tungkol sa kanilang relasyon, kaya ang tutok ng kanilang mga tagasubaybay ay sa matinding kilig na lang muna sa kanilang sweetness.  Kaya hindi rin naman nagpapaapekto ang dalawa sa mga intriga sa kanila, na mahihina naman ang mga huling proyekto na kanilang ginawa.

Regular na napapanood si KC sa “The Buzz” tuwing Sunday, pero kabuntot pa rin ng pang-iintriga sa kanya ang isyu na kahit sikat siyang anak ng Megastar na si Sharon Cuneta, ay hindi raw masyadong kinagat sa takilya ang huling movie na ginawa niya kasama ang kanyang daddy na si Gabby Concepcion na nasundan pa ng pagkawala sa ere ng programa niyang “Simply KC”.

Habang si Piolo naman daw, walang matinding project sa ngayon, dahil hindi rin malakas sa takilya ang huling mga pelikulang kanyang ginawa, dahil hinahanap pa rin ng mga manonood ang tambalan nila ni Judy Ann Santos.

Sa nagtapos na teleseryeng “Noah” ng ABS-CBN ay medyo nagmarka iyon kay Piolo at hindi hinanap ng mga televiewers na dapat ay kasama niya si Juday.

Bagay pala kay Piolo ang gumawa ng teleseryeng katulad ng pinagbidahan ni Craig Horner, ang “Legend Of The Seeker” na para ding si Panday dahil espada ang gamit sa kanyang mga pakikipagsapalaran.  Katulad ni Craig, bilang bida ay nagtataglay si Piolo ng magandang katawan at kaguwapuhan na hindi namimili ng anggulo, dahil super-guwapo talaga ang boyfriend ni KC, ‘noh! Melchor M. Bautista

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply