Kinumpiskang pera at cellphones, ipinababalik ni Dominguez sa pulis

HINILING ng diumano’y carjack gang leader na si Roger Dominguez na ibalik ng pulisya ang perang nagkakahalaga ng P178,690 at iba pang mahahalagang gamit na kinumpiska sa kanya nang siya ay arestuhin.

Si Roger, kasama ng kanyang kapatid na si Raymond at iba pa, ay nahaharap sa kaso kaugnay ng pagdukot at pagpatay sa car dealer na si Venson Evangelista.

Inaresto si Roger noong Pebrero 10 sa Timog Avenue, Quezon City, kasama ang isa pang suspect na si Jayson Miranda.

Maliban sa pera, nais din ni Roger na maibalik sa kanya ang apat na cellular phones, isang Philip Stein watch at iba pang mahahalagang gamit.

Ayon kay Atty. Joey Cruz, abogado ni Roger, naghain sila ng mosyon dahil sa nagdadalawang-isip ang pulisya na ibalik ang mga gamit nang walang kautusan mula sa korte o sa prosecutor.

“If these are not evidence in the crime charged (against Dominguez), they should have been released,” ani Cruz. “But of course, if the prosecutor would deem these items as evidence, we would respect that decision,” dagdag pa ng abogado.

Nauna na umano nilang hiniling sa QC Police District (QCPD) na ibalik ang pera at mga gamit kay Roger.

“Maybe they (police) just want to be safe so they told us to course our request to the prosecutor,” aniya.

Sinabi ni Cruz na hiniling na nila sa QCPD na ibalik ang mga gamit bago pa man nila hiningi ang panghihimasok ng piskal ngunit hindi pa rin ito ibinibigay ng mga pulis.

Nadawit sa kasong pagdukot at pagpatay kay Evangelista ang magkapatid na Dominguez matapos silang iturong mastermind ng iba pang suspects na sina Ferdinand Parulan at Alfred Mendiola na nauna nang sumuko sa awtoridad.
Nakatakda pang basahan ng pagkakasakdal ang mga akusado sa Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221. Robert C. Ticzon

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply