Kris Aquino at Junjun Binay magkasama sa b-day bash ni Jinggoy Estrada

MABITUIN ang pagdiriwang ni Jinggoy Estrada, ang isa sa mga popular na senador at aktor ng bansang ito, kamakailan sa kanilang gusali sa Shaw Boulevard.

Dumating sina Lorna Tolentino, Bong Revilla, isa pa ring senador at artista, Lani Mercado na bukod sa pagiging aktres at kongresista, Amy Austria, Annabelle Rama at marami pang iba.

Nang dumating si Kris Aquino ay kagyat siyang umupo sa mesa ni Junjun Binay, ang alkaldeng matagal nang nauugnay sa kanya.

Matagal na magkausap nang masinsinan sina Kris at Junjun sa gitna ng mga nagkikislapang bituin sa langit at lupa.

***

Hindi siyempre mawawala si Joseph Estrada, ang dating Pangulo ng Pilipinas sa kaarawan ng kanyang anak.

Isa ang peryodistang pampelikulang si Alice Vergara sa masuwerteng nakipagsosyalan at nakipagtalamitam kina Joseph at Jinggoy dahil kung tutuusin ay napakatagal na sa industriya ng pelikulang Filipino ni Alice at kahit sinong artista lalo na ang mga beterano at betarana ay kilala siya.

Pero itinanggi ni Vergara na nang kanyang kapanahunan ay kulang na lang ay himurin ng mga artista ang kanyang puwet.

“Hindi naman. Hindi naman gano’n,” pahayag ni Alice.

***

Palabas sa Shang Cineplex ng Shangrila Mall sa EDSA at Shaw Boulevard ang labing-isang piling-piling pelikulang Filipino at isa sa mga ito ang obra ni Noriel Jarito, ang nagdirek ng kalahok sa limang digital films sa nakaraang 2010 Metro Manila Film Festival Philippines noong Disyembre, ang “Rindido.”

Ang pelikula ni Noriel ay “Waray in the City” na aniya ay apatnapung minutong pagtalakay ng mga buhay-buhay ng mga Waray sa lunsod.

Idaraos ang film festival sa Lunes, ika-28 ng Pebrero mula 11 am hanggang 9 pm kaya naman marami na ang nag-aabang nito.

***

Filipina ang nominado sa 83rd Oscar Awards sa kategoryang best supporting actress para sa pelikulang “True Grit” na palabas sa mga sinehan ngayon.

Ang pangalan ng aktres ay Hailee Steinfeld.

Kaya lang ay hindi siya purung-purong Pinay.

Ang kanyang ina na nagngangalang Cheri Steinfeld ay pinaghalong dugong Filipino-American-African-European.

Ipinagmamalaki ng Solar Entertainment na kababayan natin si Hailee na ipinanalangin ni Emy Abuan ay manalo ng best supporting actress sa Oscars dahil ang galing-galing niya sa pelikula.

***

Gaano naman katotoong hindi mahagilap ng Centerstage Productions, ang kumpanyang gumagawa ng “Prey” ni Brillante Mendoza, ang aktor na si Kristofer King nang mag-shooting ito sa Zambales kamakailan?

Malapit nang magsimula ang shooting ay wala pa si Kristofer na isa sa mahahalagang bida ng pelikula na pinangungunahan ng Hollywood at French actress na si Isabelle Huppert, Rustica Carpio, Chanel Latorre, Madelieine Nicolas, Raymond Bagatsing, Coco Martin, Ronnie Lazaro, Joel Torre, Angel Aquino, Arlyn de la Cruz, Raymond Nullan at marami pang iba.

Mabuti na lang at nakahabol si King pero kailangang humingi siya ng paumanhin kay Brillante.  Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply