Kumikitang kabuhayan

MALINAW na ngayon sa kaalaman ng publiko na ang mga ginagawang paninira kay LTO Chief, Assistant Secretary Virginia Torres ay isang malaking demolition job lamang ng mga grupo at indibidwal na nasasagasan niya ang mga tiwali at mga buktot na gawain sa ahensiya.

Maliwanag na gusto lang siyang ipahiya sa taumbayan at sa ganun ay maobliga si Pangulong Noynoy na tuluyan na siyang sibakin sa puwesto at mapalitan ng isang opisyal na siyang kukunsinti sa kanilang walang humpay na pagkamal ng bilyon-bilyong halaga ng salapi.

Pero ang hindi pa alam ng marami ay nag-mistula ng isang cottage industry ang demolition job na ginagawang ito laban kay Asec Torres.

Wika nga ay isang kumikitang kabuhayan para sa maraming mapagsamantalang mga media operators ang walang humpay na pagbira na ito kay Torres na nagsimula pa ilang araw lang makaraang umupo siya sa puwesto noong Hulyo ng nakaraang taon.

Apat na grupo ng mga pinakamatatalim na media operators sa ating bansa ang kumikilos ngayon at nagtutulong-tulong upang sirain ang reputasyon ni Torres at hindi siya tatantanan hanggang di bumibigay si Pangulong Noynoy at tanggalin na nga siya sa puwesto.

Base pa sa impormasyong ating nakalap ay hindi bababa sa P10 milyon ang perang umiikot ngayon na ginagamit  ng mga media operators na ito para gibain si Torres  at kabilang sa mga nakikinabang o naaambunan ng biyaya ay ilang “respetado” kuno at kilalang mga mamamahayag sa bansa.

Walang araw na magbabasa ka ng diyario, manonood ng TV at makikinig ng radyo na hindi nababanggit at natatalakay ang mga baliotng punong-puno ng paninira laban kay Asec Torres.

Kahit iyong mga isyu na alam naman nila na walang kinalaman at walang kasalanan si Torres ay pilit na idinidikit sa kanya para lang mailagay siya sa gitna ng kontrobersiya at sa ganun ay magkaroon sila ng dahilan upang patuloy na sirain ang pangalan niya.

Nakalulungkot nga lamang isipin sapagkat dahil sa kinang ng salapi ay nagiging bingi at bulag na sa katotohanan ang napakarami sa ating mga kasamahan sa pamamahayag at nagpapagamit sila sa mga media operators na ito. Tsk!tsk!tsk!

Hindi iilang iginagalang at kilalang mga kolumnista mula pa naman sa pinakamalalaki at ipinagmamalaking mga pahayagan dito sa bansa ang walang patumanggang bumabanat kay Torres kahit alam naman nila na inosente siya sa mga akusasyon sa kanila.

Ang isang grupo ng mga operators na ito ay pinamumunuan ng isang kilalang mamamahayag na ginagamit pa ang kanilang istasyon upang ipahiya si Torres sa pamamagitan ng walang humpay niyang pagsisiwalat ng mga walang basehang akusasyon.

Pero kataka-taka namang tahimik siya sa mga kabulastugang ginagawa at ginawa na ng kanyang principal na golf buddy din niya.

Kilala din siya sa pagiging pilantropo kuno at sa sobrang pagiging pilantropo niya nga ay puro mga mamahaling gadgets gaya ng IPAD, laptops at high-end na cell phones maliban pa sa cash ang ibinibigay niyang premyo sa mga mediamen na sumasali sa golf tournaments na inoorganisa niya.

Siyempre,kaya niya inoorganisa ang mga golf tournaments na ito ay para doon sa golf course plantsahin ang mga ibabanat kay Torres at para sabay na ding makumbinsi maging ang mga matitinong newsmen na sumama sa mga kalokohan niya.

Matinik talaga ang mamang ito at gumagamit pa ng golf diplomacy para lang makapang-api ng kapwa at siempre naman suportado siya ng principal niya na si Mr. Bigtime na siya din siempreng naghanda ng mga mamahaling golf prizes.

Tsk!tsk !talagang kawawa si Asec Torres dahil wala naman siyang pera na pantapat sa grupong ito na sandamukal ang pinakakawalang pera para sirain siya sa mata ng mga mamamayan.

Mabuti na lang at meron pa din namang mga tao, grupo at maging mga mamamahayag na naniniwala at patuloy na sumusuporta kay Torres.

Na sa kabila ng wala naman siyang perang pinakakawalan para tapatan ang media operations laban sa kanya ay patuloy pa ding tumutulong at sumusuporta sa kanya.

Nagpapatunay lamang ito sa kasabihang hindi lahat ng bagay ay nabibili ng pera sa mundong ito.-Bobby Ricohermoso

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply