Labanang Romasanta, GTK sa PKF umiinit

LALONG umiinit ang waring tug-of-war na labanan sa pagitan nina incumbent Philippine Karatedo Federation (PKF) president Go Teng Kok at Philippine Olympic Committee (POC) spokesperson Joey Romasanta dahil sa pagnanais ng huli na kunin ang puwesto ng una.

“I’m ready to submit myself to a vote of no confidence kung talagang ayaw na sa akin ng mga opisyal ng karate. Kung talagang mga lalake kayo, dumalo kayo sa general assembly meeting at tapusin na natin itong sigalot na ito,” hamon ni Go, pangulo din ng Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) na nagbigay ng maraming medalya sa bansa nakaraang Southeast Asian Games at Asian Games sa grupo na pinamumunuan naman ni Romasanta.

Umaasa ang grupo nina Go at PKF secretary general Edward Ponce na dadalo sa general assembly ang grupo ni Romasanta para maayos na ang pinakabagong sigalot sa RP sports.

Nakatakdang ganapin sa Sabado, Marso 11 ng alas-dos ng hapon sa Philippine Normal University (PNU) Hotel ang special meeting ng PKF Executive Council para talakayin ang importanteng “organizational matters” na kamakailan ay nagkaroon ng problema sa Natioal Sports Association (NSA).

Hawak pa din ni Go ang mayorya ng legitimate board of directors kung sakaling maglaban sila ni Romasanta sa pinakamataas na puwesto sa PKF.

Sa panig naman ni Romasanta, nasabi niya sa isang pahayagan na, “matagal na niyang (Mr. Go) sinasabi na ibibigay niya sa akin ang posisyon, maghintay lang ako. Pero matagal na ring hindi naman nangyayari,” wika ni Romasanta, na dating executive director ng Project Gintong Alay at chef-de-mission ng bansa noong isang taon sa 16th Asian Games sa Beijing, China.

Una nang umapela si Go kay Romasanta na tumutok na lamang sa kanyang trabaho sa POC at huwag nang pakialaman ang PKF para na rin sa kapakanan ng mga atleta.

“In the first place, Joey should not have accepted his position as PKF deputy president because that was a clear case of conflict of interests. The POC respects the autonomous character of NSAs and its spokesman should stay clear of the internal affairs of the latter,” paliwanag ni Go.

Una nang nilinaw din ni PKF secretary general Ponce na si Go pa rin ang pangulo ng PKF matapos gumawa ng hakbang ang grupo ni Romasanta na patalsikin si Go noong Enero 25.

Sina Go at Romasanta ay parehong kaalyado ni Jose “Peping” Cojuangco na tiyuhin naman ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino. Liberty Icao

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply