Lacson lumutang para sa impeachment ni Merci

MARAMI ang naniniwala na ang nakatakdang paglutang ni Sen. Panfilo Lacson sa Senado sa Lunes, March 28, ay bilang paghahanda sa nalalapit na impeachment trial kay Ombudsman Merceditas Gutierrez matapos ang isang taong pagtatago sa batas.

Sa nakalap na impormasyon ng Remate.ph, sinabi ng source na ayaw magpabanggit ng pangalan na malaki ang kaugnayan ng paglutang ni Lacson sa nalalapit na Impeachment Trial kay Gutierrez na tila pinagtiyap ng panahon ang pagbasura sa warrant of arrest nito.

Sinabi ng source na mahalagang makakuha ng mas maraming boto ang pagpapatalsik kay Gutierrez dahil malaki ang pangamba ng Palasyo na mababasura ang impeachment kapag hindi nakakuha ng 16 na botong papabor sa Articles of Impeachment.

“Mahalaga ang boto ni Sen. Lacson sa impeachment trial. Pero, parang nagkataon lamang ang pagbabasura ng kasong double murder kaya binawi ang warrant of arrest na naghudyat upang lumutang ang senador,” ayon sa source.

Nitong Linggo ay dumating si Lacson sa Mactan International Airport galing Hong Kong sakay ng Cathay Pacific flight no. CX921 saka nagtungo sa Maynila sa pamamagitan ng isang private plane. Pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), hindi nagpaunlak ng interview ang senador.

Kasabay nito, nagpahayag ng pagkatuwa si Sen. Gregorio Honasan sa pagdating ni Lacson sa bansa kaya’t magagampanan na umano nito ang kanyang tungkulin sa Senado bilang mambabatas.

Isa sa tungkulin ng mambabatas bilang senator-judge sa Impeachment Court na lilikhain matapos pormal na ihain sa Senado ang Articles of Impeachment laban kay Gutierrez. Inaprubahan na ng Mataas na Kapulungan ang Rules of Procedures na gagamitin sa paglilitis kay Gutierrez sa pagsasara ng sesyon nitong Miyerkoles, Marso 23.

Magsisimula ang Impeachment Trial sa pagbubukas naman ng sesyon sa Mayo 9.

Nitong Lunes, tila ipinagtanggol naman ni Sen. Miriam Defensor –Santiago ang pagtatago ni Lacson sa pagsasabing “walang sinuman ang gustong makulong sa kasong hindi pa nalilitis.”

“Natural lamang sa ibang tao na kapag ayaw nyang pakulong siya, kapag ang demanda sa kanya ay walang piyansa, hindi siya puwedeng makalaya habang nakabista, para baligtad na ngayon, may presumption of innocence ang isang akusado, pero kung non-bailable offense ang demanda sa kanya, hindi pa nakikita ng hukom kung sino ang tama dito puwede na siyang idemanda, kaya natural na magtago na lamang muna,” paliwanag ni Santiago sa isang panayam.

“Kami, sumusunod lamang kami sa nakalagay sa Constitution na ang accused is innocent until proven guilty. Kaya hindi pa naman siya nahahatulan. In fact, hindi pa naman siya nabibistahan, kaya we pressume he is stil innocent,” giit pa ni Santiago. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply