Lalaking nanakot sa Muslim Center arestado

INARESTO ng Manila Police District General Assignment Section ang isang lalaki  na isinumbong ng mga nahintakutang residente  ng Muslim Center sa Quiapo, Maynila, Miyerkules ng gabi, dahil may nakasukbit na baril sa beywang ang suspek.

Kinilala ang suspek na si Ampuan Ibra, 28, ng C.Palanca St., Quiapo, Maynila.

Ayon kay Chief Insp. Marcelo Reyes, hepe ng Manila City Hall Public  Assistance  Center, inutusan niyang magresponde ang kanyang mga tauhan, na agad namang rumesponde sakay ng mobile patrol.

Nang makarating sa nasabing lugar ang mga awtoridad dakong 10:30 ng gabi ay namataan ng mga ito ang armadong lalaking nakasuot ng maong pants at jacket na kulay brown sa panulukan ng mga kalyeng C.Palanca at P.Casal.

Nang makita ng suspek ang mga alagad ng batas ay agad bumunot ito ng baril. Subalit maagap itong dinamba ni PO1 Dennis Suba.

Sa pag-alalay ni PO2 Jayjay Jacob ay naagaw ni Suba mula sa suspek ang baril nitong .357 caliber revolver Ruger GP11 na may  kargang limang bala .

Kasong paglabag sa Presidential Decree 1866 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition ang inihain sa Manila Prosecutor’s Office laban sa suspek, na nakasalukuyan nang nakapiit sa MPD. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply