LGUs hinimok na makiisa sa Buwan ng Kababaihan

NANAWAGAN ang pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government unit (LGU) sa buong bansa na makiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan ngayong Marso.

Inatasan ni Interior Secretary Jesse Robredo  ang mga LGU upang magsagawa ng mga aktibidad na magtatampok sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan sa kani-kanilang lokalidad.

Sa isang memorandum circular na inilabas sa lahat ng provincial governor, city at municipal mayor, at punong barangay, hinimok ni Robredo ang mga lokal na opisyal na magkaroon ng aktibidad na  may  temang “Magna Carta of Women, Philippine CEDAW: In Support of the Millennium Development Goals.”

Sinabi ni Robredo na layunin nito na madagdagan ang kamalayan ng publiko sa antas na lokal sa MDGs, Magna Carta of Women at pagtupad sa Philippine Committee on the Elimination of Discrimination Against Women (CEDAW).

Sa kanyang direktiba, hinimok ni Robredo ang LGUs na magkaroon ng mga programa at gawain na may kaugnayan sa kasarian at kahirapan, edukasyon, lalo na sa early childhood care at universal primary education, women empowerment at pagpigil sa pangangalakal sa kababaihan at kabataan, kalusugan, at kapaligiran sa pagtataguyod ng paglahok ng kababaihan sa kahandaan sa mga malalaking sakuna.

Hinikayat din ni Robredo ang LGUs na mag-display ng mga streamer sa pampublikong lugar na may temang nabanggit at may atas na logo.

Ang taunang pagdiriwang ay kautusan ng Proclamation 227 at Proclamation 224, na nagtatalaga sa buwan ng Marso ng bawat taon bilang Buwan ng Kababaihan at ang unang linggo ng Marso bilang Linggo ng Kababaihan at ang ika-8 ng Marso ay Women’s Rights and International Peace Day.

Sinabi ni Robredo na ang pagdiriwang sa taong ito ay magsisilbi rin bilang venue para sa mga pagsisikap upang harapin ang mga isyu ng kasarian sa Millenium Development Goals (MDGs) at bumuo ng mga istratehiya at programa upang harapin ang mga ito. Johnny Arasga

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply