Life, P25M multa sa drug traffickers isusulong

UPANG maiwasan ang katulad na pagbitay sa tatlong Filipino sa China kahapon, Marso 30, dahil sa pagiging drug mules ng mga sindikato ng droga, isang kongresista ang nagsulong na makulong at pagmultahin ng milyong piso ang sinumang drug traffickers na gagamit sa mga Filipino sa pagbibiyahe ng droga.

Nakapaloob sa House Bill 4503 ni Marikina Congressman Miro Quimbo na patawan ng habambuhay na pagkabilanggo at multang mula P5 milyon hanggang P25 milyon ang sinumang lalabag dito.

Ipinaliwanag ni Quimbo na ang kasalukuyang umiiral na batas ng Pilipinas laban sa drug at human trafficking ay hindi nagtutugma sa kaparusahang dapat ipataw sa pang-aabuso ng drug traffickers.

Ito ang nagtulak sa mambabatas upang dagdagan ang parusa sa drug traffickers na patuloy na bumibiktima sa mga OFW at tiyakin na ang hustisya ay naipapataw.

Inihain ni Quimbo ang panukala matapos ang pagbitay kahapon sa tatlong OFW sa China na sina  Ramon Credo, Elizabeth Batain at Sally Ordinario-Villanueva dahil sa pagdadala ng iligal na droga sa nabanggit na bansa.

Sinisisi ng pamilya Ordinario ang isang Mapet Cortez, kilala rin umano bilang Tita Cacayan na ayon sa pahayag ni Villanueva ay nag-recruit sa kanya bilang drug mule o drug courier.

Iginiit pa ni Quimbo na dapat magsilbing aral sa buong bansa ang nangyari sa tatlong OFW sa China. Meliza Maluntag

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply