Life sa 3 Indon drug traffickers kinatigan ng CA

KINATIGAN ng Court of Appeals (CA) ang hatol na habambuhay na pagkakakulong sa tatlong Indonesian nationals na nahulihan ng  mahigit sa siyam kilo ng shabu nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal III noong 2004.

Sa 23 pahinang desisyon ng CA, hindi pinaniwalaan ng Appellate Court ang depensa ng mga akusadong sina Herawaty Ng, Maimun Wagimin at Khoe Hong Gek na hindi nila alam na mayroong ilegal na droga sa kanilang bagahe.

Iginiit ng Appellate Court na ang pag-iingat ng droga ay may katapat na parusa sa ilalim ng Dangerous Drugs Act kaya wala silang nakikitang dahilan upang baliktarin o amyendahan ang naunang desisyon ng Pasay City Regional Trial Court (RTC).

Bukod sa habambuhay na pagkakabilanggo, kinatigan din ng CA ang desisyon ng Pasay RTC na pagbayarin ang tatlong Indonesian national na magbayad ng P500,000 kada isa.

Lumalabas sa rekord ng Korte na noong September 5, 2004,dumating ang mga akusado sa NAIA terminal III sa Hong Kong sakay ng Philippine Airlines flight PR 307.

Subalit nang dumaan ang bagahe ng mga akusado sa x-ray machine ay na-detect sa monitor ang crystalline substance.

Kaagad nagsagawa ng inspeksyon ang airport security personnel sa bagahe ng mga akusado kaya nakumpirma na mayroon silang dala na 24 plastic containers o kabuuang 9,973 kilo ng shabu.

Dahil dito kaya kinasuhan sa Pasay RTC  ng drug trafficking  ang tatlo at noong Oktubre 28,2005 ay nahatulan ng life imprisonment at pinagbabayad ng P500,000 kada isa.

Umapela naman ang mga akusado sa CA at sinabing nagkamali sila  ng gamiting ebidensya ang sachets ng shabu na nakuha sa kanilang bagahe nang walang balidong warrant mula sa korte.

Giit pa ng mga akusado na nagkamali ang korte sa pagbibigay bigat sa testimonya ng mga testigo ng prosekusyon sa kabila ng inconsistencies sa kulay ng kanilang suitcases na umano’y ginamit sa pagta-transport ng ilegal na droga at hindi rin sila nakakuha ng patas na pagdinig dahil sa kawalan ng interpreter. Teresa Tavares

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply