Ligot, magtatagal pa sa kulungan

MALAKI umano ang posibilidad na tumagal ang pagkakakulong ni dating AFP comptroller, Lt. Gen. Jacinto Ligot, dahil wala pang release order mula sa makapangyarihang Blue Ribbon Committee sa kanyang paglaya.

Inihayag ito ni Gen. Jose Balajadia (ret.), Sergeant-At-Arms ng Senado, sa kabila nang inihain na apela ni Ligot kay Blue Ribbon Committee chairman Teofisto Guingona III matapos dakpin ang dating heneral sa pagsisinungaling sa kanyang sakit.

Ayon kay Balajadia, makalalaya lamang si Ligot kung magpapalabas ng release order si Senate President Juan Ponce Enrile alinsunod sa kahilingan nitong makalaya matapos mangakong makikipagtulungan sa komite hinggil sa iniimbestigahang korapsiyon sa militar.

“Wala naman, wala namang sinasabi sa akin si Sen. Guingona. Ang release order [ay] dapat manggaling kay Senate President,” paliwanag ni Balajadia Jr.

Noong Biyernes, tinutulan ni Senate president Pro-Tempore Jinggoy Estrada ang kahilingan ni Ligot sa pagsasabing dapat muna itong magsalita sa susunod na pagdinig ng komite bago nila desisyunan ang pagpapalaya dito.

Iginigisa si Ligot sa P740 milyong bank deposit nito sa iba’t-ibang bangko, bukod pa sa sampung bahay na pag-aari umano ng kanyang misis na si Erlinda sa Estados Unidos, at ilang ari-arian sa Pilipinas.

Palaging ginagamit ng mag-asawa ang kanilang ‘right against self incrimination’ kapag natatanong tungkol dito, pati na sa ibang isyung walang kinalaman sa nakabinbin nilang kaso sa Sandiganbayan at Department of Justice (DOJ).

Inaresto ng mga kagawad ng OSAA si Ligot sa bisinidad ng kanyang bahay sa AFP Officers Village sa Taguig City noong Huwebes ng gabi at ikinulong sa detention house ng Senado matapos na siya ay i-contempt ng Blue Ribbon sa pamemeke umano nito sa sakit nitong trangkaso.

Sa ikatlong araw ni Ligot sa detention room ng Office of the Senate Sgt. At Arms (OSAA) sa ground floor ng Senado, nagsagawa ito ng stretching sa parking area pero hindi ito nakapag-jogging dahil sa wala pa itong running shoes.

Dalawang beses din na sinuri ang kanyang blood pressure, una ay 130/80 ang blood pressure nito at ang pangalawa ay 120/70 habang ang blood sugar nito ay normal, ayon kay Senate Doctor Mariano Blancia. Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply