Ligot palalayain kapag sumagot na sa mga tanong

HANDA si Senate President Pro-tempore Jinggoy Estrada na palayain si dating military comptroller Jacinto Ligot sa pagkakakulong sa Senado kung sasagot na siya sa mga tanong sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa corruption sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito ay makaraang umapela si Ligot sa Senado sa pamamagitan ng liham na ipinarating kay Sen. Teofisto Guingona, chairman ng komite, kung saan kanyang ipinaliwanag na hindi siya nagsakit-sakitan upang makaiwas sa pagdalo ng komite nitong Huwebes.

Ipinaliwanag ng retiradong heneral na noong Miyerkules pa lamang, mayroon na siyang trangkaso kung kaya’t uminom na siya ng Vitamin C at Bioflu at nagpahinga na lamang sa kanilang bahay imbes na magpa-ospital.

Paggising niya bandang alas-6 kinaumagahan, bumuti na ang kanyang pakiramdam subalit nakakaranas pa rin daw siya ng ‘fever-like symptoms’ kung kaya’t nagdesisyon siyang huwag dumalo sa hearing noong Huwebes kasabay ng pagbibigay niya ng abiso sa abugado nitong si Atty. Rafael Zialcita.

Ipinaalam pa nito sa komite na sa nakalipas na ilang taon, isa na siyang diabetic at hypertensive person kung kaya’t palagi siyang nagtuturok ng insulin at 1,000 milligram ng Metformin sa umaga at gabi para sa diabetes at 10 mg. Coveram naman para sa hypertension.

Nang dumating ang mga doktor ng Senado sa kanyang bahay, maayos na ang kanyang pakiramdam kung kaya’t nang masuri ang kanyang blood pressure na normal.

“I reiterate that I was not lying when I declared that I had the flu. Perhaps, at the time that I was being checked by the Senate doctors, the medicines were taking effect,” paliwanag nito.

Binigyang-diin pa nito na noong Marso 24 lamang siya hindi nakadalo sa hearing dahil palagi naman siyang dumadalo sa hearing ng komite noong Enero 27, Pebrero 3, Pebrero 7, Pebrero 18, Pebrero 24, Marso 3, Marso 10 at Marso 21, 2011.

“In this regard, it is my appeal to you and the Honorable Senate that the Detention Order against me be lifted at the soonest possible time as in undertake to continue cooperating with the investigation to the best of my ability,”ayon sa sulat ni Ligot.

Hindi pa makunan ng pahayag si Guingona habang sinusulat ang balitang ito.

Sa mga nagdaang hearing ng komite, kung hindi matandaan ang dinadahilan, binabanggit ni Ligot ang kanyang ‘right against self-incrimination’ dahil may nakabinbin na silang kaso sa Sandiganbayan at Department of Justice at baka ang sabihin nila ay magamit laban sa kanila.

Si Ligot at ang asawa nitong si Erlinda ay ginisa ng komite hinggil sa P 740 milyon nilang deposito sa bangko, bukod sa mga bahay sa Estados Unidos at ilang ari-arian sa bansa.

Inaresto ng mga kagawad ng Senate Sgt. At Arms si Ligot sa paligid ng kanyang bahay sa AFP Officers Village sa Taguig City noong Huwebes ng gabi at kasalukuyang nakakulong sa detention house ng Senado sa ground floor. Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply