Ligot posibleng palayain na

MALALAMAN ngayong Martes, Marso 29, kung makalalaya na si dating AFP comptroller Lt/Gen. Jacinto Ligot sa pagpapatuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee sa korapsiyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa media advisory ng Blue Ribbon Committee, sinabi ni Sen. Teofisto Guingona na muling haharap sa imbestigasyon si Ligot kabilang ang asawa nitong si Erlinda at ilan pang matataas na opisyal ng AFP at dating budget officer ng militar.

Nakatakdang humarap din sa imbestigasyon sina Col. Cirilo Thomas P. Donato, dating comptroller ng ISAFP na siyang tinutukoy ni dating AFP budget officer Lt. Col. George Rabusa na tumatanggap ng P120,000 kada buwan at kumakaltas ng 10% sa bawat halaga ng kumbersiyon sa pondo ng AFP.

Dadalo din sa pagdinig sina Col. Antonio Ramon Lim, dating AFP budget officer Perla Valerio na naunang nagkumpirma sa malawak at talamak na kumbersiyon at pangungupit ng pondo ni Ligot sa apat na taon nitong panunungkulan bilang comptroller ng AFP.

“Malalaman natin bukas (Martes) kung madedesisyunan ng komite ang apela ni Gen. Ligot na makalaya na siya matapos siyang magsinungaling na nagkasakit kaya hindi nakadalo sa huling pagdinig ng komite,” ayon sa staff ni Guingona na ayaw magpabanggit ng pangalan.

Nauna nang ipinakulong ng Senado si Ligot matapos itong magsinungaling na nagkaroon ng sakit kaya hindi nakadalo sa Senado at natuklasan na malusog at puwedeng dumalo sa pagdinig ang mag-asawang Ligot base sa pagsusuri ni Dr. Mariano Blancia, hepe ng Senate Medical and Dental Services.

Sinabi ni Sen. Jinggoy Estrada na makalalaya lamang si Ligot kung sasagutin nito ang lahat ng katanungan ng komite na walang kaugnayan sa kinahaharap na forfeiture case sa Sandiganbayan.

Hindi naman ipinakulong ng Senado si Mrs. Ligot “for humanitarian reasons” sanhi ng palagi itong kinakabahan at umiiyak sa tuwing haharap sa pagdinig ng Blue Ribbon. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply