Lindol, baha, sakuna

HALOS araw-araw na lamang na ginawa ng Diyos ay tumatanggap tayo ng balita na may lindol na naman sa isang bahagi ng ating bansa o may bulkang nagbabantang sumabog o may bayang lumulubog sa baha.

Hindi magtatagal talagang tatama sa atin ang isang malaking sakuna tulad sa nangyari sa New Zealand kamakailan. Hindi natin ito mapipigilan lalo na’t napapaligiran tayo ng maraming bulkan at ng mga tinatawag ng mga siyentipiko na “fault lines” ng mundo.

Samantala, dahil daw sa “climate change” at sa ating kapabayaan, siguradong maraming lugar sa Pilipinas ang babahain pagdating ng tag-ulan na ayon sa Pag-asa ay maagang bubuhos ngayong taon.

Naging saksi tayong mga Filipino sa marami nang sakuna dito sa ating bayan. Ang serbisyo pa nga lang ng ating gobyerno ay tila walang humpay na sakuna na araw-araw nating pinapasan. Nasanay na tayo.

Subalit ang tanong: Sa ating kasanayan na dumanas ng kamalasan, handa ba tayong humarap sa mas malala pang bagyo, lindol at mga sakuna na talaga namang darating, kung kailan ay hindi lamang natin alam.

Handa at sanay na siguro ang mga Pinoy, subalit dapat na mas maghanda ang ating gobyerno sa pagresponde sa malakihang kalamidad na pwedeng tumama sa ating bansa.

Nakakalungkot na sa paglikas pa lamang ng kulang-kulang 10,000 OFWs mula sa Libya ay tila nawiwindang na ang gobyerno. Paano na lang kung halimbawa ay ililikas ang buong lungsod ng Maynila ala-pelikulang 2012?

Isang malaking trahedya ang nakaamba sa ating lahat kung hindi paghandaan ng ating pamahalaan ang mga hampas ng kalikasan.

Pwedeng sabihin na dapat tayong mag-tulong-tulong, dapat tayong magkaisa, dapat nating linisin ang ating kapaligiran at iwasan ang pagsira ng ating kalikasan, subalit nakasalalay pa rin sa pamahalaan ang responsibilidad na pangalagaan ang kanyang mamamayan.

Tulad sa ginagawa ng mga langgam, dapat mag-ipon ng pagkain sa panahon ng tag-init para nakahanda tayo sa tag-ulan. Ngayong, sa awa ng Diyos, ay wala pa namang tumatama sa atin na matinding trahedya, liban sa pulitika, dapat
pag-isipan na ang ating kahandaan.-Joe Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply