Lolo gagradweyt sa kolehiyo sa Cebu

HINDI pa huli ang lahat,” ang laging sagot ni Miguel Lajos, 78, kapag tinatanong kung bakit siya pumasok pa sa kolehiyo.

Ngayong Marso, si Lajos ay magtatapos ng AB Political Science sa University of the Visayas-Dalaguete campus sa Cebu.

Hindi pa rito nagtatapos ang pag-aaral ni Lajos. Sa katunayan, balak niyang pumasok sa law school sa darating na Hunyo.

Noong bata pa lang siya ay pangarap na niyang maging ganap na abugado.

Ayon kay Lajos, hindi balakid ang edad sa pag-abot ng pangarap.

Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay nasira aniya ang kanyang plano nang mapaibig siya ng kanyang unang asawa at itinanan niya ito matapos grumadweyt sa high school.

Aminado din siya na hindi kaya ng kanyang mga magulang na pag-aralin siya sa kolehiyo kaya nagpakasal na lamang siya at nagkaroon ng 13 anak.

Kumuha ng vocational class at pagkatapos nito ay naging tubero siya. Namatay naman ang kanyang may-bahay at dahil dito muli siyang nag-asawa at nagkaroon pa siya ng limang anak dito.

Napalaki ni lolo Lajos ang kanyang 18 anak na ngayon ay pawang mga professional na. Ilan dito ay mga guro at mga arkitekto na.

Nang mamatay ang kanyang ikalawang asawa ay nagpasya siyang mag-aral dahil. aniya, kailangang may gawin siya.

Ang kanyang mga anak ang sumusustento sa kanya at ang mga ito din ang nagpapaaral sa kanya.

Sinabi pa ni Lajos na wala siyang kaduda-duda sa kanyang nais gawin. Maliban sa pag-abot ng kanyang pangarap, ang pagasok niya sa eskuwelahan ay makatutulong para makaiwas siya sa Alzheimer’s Disease.

“I still have a good memory. I can easily remember our professors’ discussions,” ayon kay Lajos.

Kwento pa ng matanda, gustung-gusto niya ang interaction at debate sa klase. Hilig din niya ang pag-aaral ng criminal law.

Pinatunayan naman ng guro ni Lajos na si Prof. Ricardo Dinawanao, ang adviser nito sa political science, na kahit matanda na si Lajos ay nakaka-abot siya sa kakayahan ng kanyang mga nakababatang kaklase.

“He is a good example for everyone that education is for everybody. Neither age, gender or color (should be a hindrance),” pahayag ni Dinawanao. Robert C. Ticzon

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply