Mag-asawang Ligot ipakukulong ng Senado

NAKAAMBANG makulong ang mag-asawang Ligot sa Senado sa kasong contempt matapos silang umiwas o hindi sumagot sa mga “simpleng tanong” ng Senate Blue Ribbon Committee na walang naman umanong kinalaman sa forfeiture case na nakasampa sa Sandiganbayan.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa korapsiyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), sinabi ni Blue Ribbon Committee Chairman Teofisto Guingona na magkakaroon ng caucus o pagpupulong ngayon upang desisyunan ang mosyon.

Naghain ng mosyon si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada sa komite matapos mabigong mapiga sina Gen. Jacinto Ligot (ret.), dating AFP comptroller at asawa nitong si Erlinda Tecson Yambao-Ligot hinggil sa kanilang ari-arian at pagbiyahe sa Estados Unidos.

“As much as possible, ayaw ko kayong ipakulong dito sa Senado, kasi malapit nang magkaroon ng recess. Pero, hindi naman pupuwedeng gagamitin ninyo (mag-asawang Ligot) ang karapatang against self-incrimination sa tuwing magtatanong kami sa mga simpleng katanungan,” pahayag ni Estrada.

Iginiit pa ni Estrada na kung palaging papayagan ng Senado ang ganitong paggamit ng saksi sa  karapatan laban sa self-incrimination, “walang mangyayari sa mga susunod na imbestigasyon ng Senado.”

“As much as possible, ayaw kong magpakulong. Pero, magiging precedent ito sa mga future hearing,” giit ni Estrada.

Ngunit, nagmatigas si Mrs. Ligot kahit binigyan siya ng ilang pagkakataon ni Estrada na magbago ng desisyon sa pauli-ulit na paggamit nito sa kapatan laban sa self-incrimination at sagutin ang mga simpleng katanungan na wala umanong kinalaman sa kasong kinahaharap ng mag-asawa sa korte.

“Sinabi po ng aking abogado na invoke ko ang aking rights against self-incrimination sa lahat ng katanungan po ninyo (na may kinalaman sa kaso),” ayon kay Mrs. Ligot.

Kinuwestiyon ni Estrada kay Mrs. Ligot kung sino ang nagbabayad at kumukuha ng tiket nito sa tuwing magbibiyahe sa abroad na ayaw nitong sagutin dahil kasama umano ang naturang isyu sa kaso sa korte.

Itinatanong din ng naturang senador ang mga ari-arian ng mag-asawang Ligot bukod pa sa dalawang mamahaling house and lot sa Amerika kabilang ang 72,000 square meter na lote sa Sampaloc, Maynila; 120 square meter na lote sa Tarlac, bahay at lupa sa Tanay, Rizal; condominium unit sa One Essensa Tower sa Taguig City, mamahaling sasakyan at isang malaking lote sa Malaybalay, Bukidnon na kumpleto pa sa guardhouse at gate.

“Kasama po iyan sa aming kaso,” ayon kay Mrs. Ligot bilang tugon sa naturang mga ari-arian.

Ipinagtataka ni Estrada na naalala ni Mrs. Ligot ang kanilang ari-arian na kinukuwestiyon sa korte, ngunit hindi nito maalala ang mga ari-arian na hindi naman kasama sa kaso. “Iyong mga properties na kasama sa forfeiture case, naalala ninyo, pero iyong hindi kasama hindi ninyo maalala.”

Dahil dito, sinabi ni Mrs. Ligot na mas gugustuhin pa niyang makulong alinsunod sa inihain na motion for contempt kung kasama niya ang asawang si Gen. Ligot kaysa sagutin ang mga tanong na may kinalaman sa kasong kinahaharap nila sa korte.

“Ayaw ko po sanang makulong. Pero kung iyan po ang desisyon ninyo, wala akong magagawa,” ayon kay Mrs. Ligot.

“Advice ng lawyer ko na invoke ko ang aking karapatan against self-incrimination,” dagdag ni Mrs. Ligot.

Inihayag naman ni Guingona na nakatakdang magpulong ngayon ang lahat ng miyembro ng Blue Ribbon Committee upang desisyunan ang mosyon ni Estrada na kasuhan ng contempt ang mag-asawa. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply