Mag-asawang Ligot, umiwas sa bantang kulong

MISTULANG umiwas sa nakaambang pagkakakulong sina dating AFP comptroller B/Gen. Jacinto Ligot at asawa nitong si Erlinda sa isinasagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa talamak na korapsiyon sa militar.

Natuklasan sa pagbubukas ng Pabaon probe sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III na nagpadala ng sertipikasyon mula sa doktor ang dating heneral dulot ng sakit na lagnat at dumadanas naman ang mabilis na pagtibok ng puso at gastroentiritis si Erlinda.

Nauna nang binantaan na ipakukulong ng Senado ang mag-asawang Ligot matapos kapwa silang umiwas sa ilang “simpleng” tanong ng miyembro ng komite hinggil sa maluluho at mamahaling ari-arian at sasakyan kabilang ang pagbiyahe sa abroad nang 43 beses.

Nabigo din na makadalo sa pagdinig si dating AFP chief of staff Roy Cimatu na kasalukuyan umanong nasa kanyang lalawigan at inaasikaso ang amang si Col. Rafael Diego na sumasailalim sa pagsusuri ng dalubhasa matapos maoperahan sa kidney.

Tanging sina dating AFP chief of staff Diomedio Villanueva at Edgardo T. Yambao, kapatid ni Erlinda, ang dumalo sa pagdinig.

Kasabay nito, iminungkahi naman ni Dr. Mariano Blanchia sa komite na ipatawag ang doktor na nagbigay ng sertipikasyon sa mag-asawang Ligot upang patotohanan ang sakit nito.

Aniya, hindi nito puwedeng salungatin ang pagsusuri ng doktor base sa sertipikasyon na ipinadala sa Blue Ribbon Committee kaya’t nararapat lamang ito mismo ang magpatotoo sa Senado.

“Hindi natin puwedeng kontrahin ang resulta ng pagsusuri ng doktor, pero mas mainam kung ipatawag ang doktor dito sa Senado upang patotohanan ang sertipikasyon,” giit ni Dr. Blanchia, hepe ng Senate Medical and Dental Division. Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply