MALAMIG NA LANGIT (Ika-10 labas)

HINDI pa ma’y naramdaman na ni Romano ang pagguho ng kanyang mundo.

Ang mataas na pagkakilala sa kanya ng lahat, parang bulang maglalaho.

Hahamakin at pagtatawanan siya ng lahat.

Biro mong naturingan siyang doktor, sa isang malamig na bangkay nagkakagusto at tinitigasan?

Matino bang matatawag ang isang tulad niya?

Siyempre’y hindi.

Baliw ang tiyak na magiging tingin sa kanya ng lahat.

Naputol ang malalim na pag-iisip ni Romano nang may mag-doorbell sa gate.

Sa isip niya, dumating na ang kamatayan na kanyang hinihintay pero dahil naihanda na ang sarili, hindi na siya natatakot.

Saglit na inayos niya ang sarili at tinungo ang gate para buksan.

Nagulat siya nang makilala ang dumating.

Si Louie.

“Hindi ka kasi sumagot sa call ko kaya nag-aalala ako sa iyo, pare. May sakit ka ba?” takang tanong ng kaibigan.

Pilit na ngumiti ang binata.

“M-Medyo natrangkaso lang nang konti pero okey na ako,” dahilan ni Romano.

Pinatuloy niya ang kaibigan.

Naglabas siya ng paborito nilang wine at uminom sila.

Nakikiramdam si Romano sa kaibigan …

Kung alam na nito ang nawawalang bangkay ng pinsan.

Nang nakakainom na sila, muling inungkat ni Louie ang pagkawala ni Hyacinth.

“Sa pagkahuli ng mga nagnakaw sa kanyang bangkay, ituring na raw naming sarado na ang kaso. Pilit daw nilang paaaminin ang mga suspek kung sino ang nagpanakaw kay Hyacinth at kung nasaan siya,” sabi ng kaibigan.

Nagtagay si Romano sa kanyang baso …

Pinuno …

Tapos ay diretsong ininom …

Basyo na ang baso ng kanyang ibaba.

“Pakiramdam ko ay may mabigat kang problema,” sabi ng kaibigang doktor. “Bakit hindi mo sabihin sa akin at baka matulungan kita?”

“P-Pare, alam ko kung nasaan ang nawawalang bangkay ng iyong pinsan,” malungkot na sabi ni Romano.

“T-Talaga? Nasaan?” sabik na tanong ni Louie.

Tumayo ang binata …

“Sumunod ka sa akin,” aya ni Romano sa kaibigan.

Takang sumunod naman si Louie …

“N-Nasaan ba talaga ang pinsan ko?”  takang tanong ng una habang patungo sila sa kuwarto ng una.

Hindi sumagot ang binata …

Marahang binuksan ang pintuan ng kanyang silid …

Gimbal si Louie nang makita ang bangkay ni Hyacinth na nakahiga sa kama ni Romano.

“D-Diyata’t ikaw ang nagpanakaw sa bangkay ng pinsan ko sa kanyang libingan!” shock na sabi ng una.

“I-I’m sorry, pare. Nababaliw na yata ako. Umibig ako sa bangkay ng pinsan mo at ayokong basta na lang siya kainin ng lupa kaya naisipan kong ipanakaw,” malungkot at parang maiiyak na sabi ni Romano.

“Pero alam mo ba ang maaring ibunga ng iyong ginawa?”

“Nakahanda na ako sa anumang mangyayari, pare!” matatag na tugon ng binata.

Nasa gayun silang ayos nang biglang may mag-doorbell sa labas ng gate.

Hindi kumilos si Romano para magbukas …

Napilitang lumabas si Louie para alamin kung sino ang panauhin na dumating.

Mga pulis …

“Umamin na ang mga suspek sa pagnanakaw sa bangkay at itinuro nila ang kanilang mastermind,” sabi ng namumuno sa mga alagad ng batas kay Louie.

“S-Sino?” tanong ni Romano.

“Si Mr. Romano Santamaria! May order sa amin para dakpin siya at halughugin ang kanyang bahay,” sagot ng pulis sabay pakita ng dalang search warrant. Itutuloy

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply