MALAMIG NA LANGIT (Ika-13 labas)

WALA nang nagawa si Louie nang magpasukan ang mga pulis sa bahay ni Romano.

Hindi na nahirapan ang mga alagad ng batas sa paghahanap …

Nang makita nila ang bangkay ni Hyacinth sa kuwarto ng binata, karaka nila itong inaresto.

“Kailangang sumama ka sa aming himpilan, Dr. Santamaria. Marami kang dapat na ipaliwanag,” sabi ng arresting officer habang pinoposasan si Romano.

Hindi nagpakita ng anumang resistance ang binata.

Nakiusap lang siya na magbibihis bago sumama na sa mga pulis …

Tumawag naman si Louie sa isang punerarya at humingi ng serbisyo para maibalik sa libingan ang bangkay ng pinsang si Hyacinth.

Nasa flash report kaagad sa mga telibisyon ang balita.

Ipinakita rito ang larawan ni Romano bilang mastermind.

Kumpleto ang kuwento sa lumabas na mga news …

Umibig siya sa magandang bangkay kaya naisipang ipinakaw at gawing asawa sa loob ng ilang araw.

Shock ang mga nakakakilala sa binata …

May hindi naiwasang maiyak at maawa …

Pero mas marami ang nasuklam.

“Nabubuwang na yata ang doktor na iyan. Patay ang gustong dyugdyugin gayung ang dami namang buhay,” pailing-iling na sabi ng isang lalaki sa isang barberya habang nagpapagupit.

“May sakit ang doktor na iyan. Necrophilia ang tawag doon,” sabi ng katabing nagpapa-trim ng buhok.

“Ano kaya ang puwedeng ikaso sa ganyang uri ng krimen?” tanong ng isang barbero.

“Bahala na ang mga pulis diyan!” sagot naman ng ginugupitan.

“Kilala ko ang doktor na iyan. Isa siyang magaling na surgeon. Pero sa ginawa niya, tiyak katapusan na ng kanyang medical profession,” sabi naman ng katabi.

Tama ang hula ng marami.

Dahil sa iskandalong nagawa ni Romano, natanggalan siya ng lisensiya bilang isang doktor.

Nakalaya man siya makaraang magpiyansa ng malaking halaga, wala na ring kuwenta.

Sa kabila ng nangyari, nanatiling kaibigan pa rin niya si Louie.

Siya pa nga ang nag-asikaso para makalaya ang kaibigan.

“Paano ka na ngayon, pare?” awang tanong ng una habang lulan sila ng kanyang kotse para ihatid ang binata sa kanyang bahay.

Galing sila sa presinto kung saan nakakulong si Romano.

“Wala na akong mukha para manirahan dito sa Maynila,” malungkot na sabi ng surgeon.
“Pupunta muna ako sa malayong lugar at doon muna maninirahan hanggang sa makalimutan ako ng tao.”

“Huwag kang magpapalit ng number, pare. Kahit nasaan ka, gusto kong manatili ang kontak nating dalawa,” sabi ni Louie.

“Masusunod ang gusto mo, pare. At bago hindi na tayo muling magkita, inuulit ko ang pasasalamat sa iyo. Napakabuti mong kaibigan,” sagot naman ng binata.

“Ang kaibigan ay kaibigan no matter what happen,” nakangiting sabi naman ni Louie.

Mahigpit na nagkamayan ang dalawa.

Hindi na pumasok ang una nang makarating sila sa bahay ni Romano.

Nang makababa sa kotse ang binata, umalis na siya.

Pupunta na siya ng ospital.

May mga trabahong naghihintay sa kanya rito.

Samantala, nang nasa loob na ng kanilang bahay, malungkot na iginala ni Romano ang paningin sa paligid.

Mahirap para sa kanya na iwan ito dahil dito siya ipinanganak, nagkaisip at lumaki.

Pero kailangan niyang lumayo para makalimutan ang masaklap na kapalaran na kanyang inabot.

Nagsimula siyang mag-impake ng mga gamit.

Bago siya tuluyang umalis, tinawagan niya ang matandang asawang katiwala para bumalik na sa bahay upang alagaan ito habang siya ay wala.

Matapos matiyak ang kanilang pagbabalik, nag-iwan siya ng malaking halaga bilang panggastos.

Isiningit niya ito sa ginawa niyang liham.

Hindi na niya magagawa pang hintayin sina Mang Akong at Aling Melinda dahil aalis na siya.

Ilang saglit pa at lulan na siya ng kanyang SUV.

Aalis siya pero walang katiyakan kung saan pupunta.

Hahayaan niyang ipadpad siya ng kapalaran kung saan niya makakalimutan ang masaklap na sinapit. Itutuloy

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply