MALAMIG NA LANGIT (Ika-14 labas)

PATUNGONG norte ang takbo ni Romano.

Binaybay niya ang kahabaan ng NLEX(Northern Luzon Expressway).

Nakarating siya ng Dagupan,  Pangasinan …

Nang makaramdam siya ng gutom, naisipan niyang huminto sa tapat ng isang karinderya sa tabing daan.

Hindi siya halatang doktor nang bumaba sa sasakyan.

Nakapantalong maong, rubber shoes at black jacket na may panloob na white t-shirt.

Nakasuot din siya ng bull caps at salaming itim.

Nang pumasok siya sa kainan, pinagtinginan siya ng mga babae na kumakain.

Guwapo kasi at maganda ang built ni Romano.

Umorder ng pagkain ang binata at pumuwesto sa isang sulok.

Pasimpleng gumala ang paningin ng binata habang hinihintay ang kanyang order.

Sigurado siya na walang nakakakilala sa kanya sa lugar na iyon.

At kung bakit siya pinagtitinginan, pang-matinee idol kasi ang kanyang porma.

Ngiti lang ang isinagot ni Romano sa mga nakadaupan ng kanyang mga mata.

Tahimik siyang kumain.

Matapos ito, saglit lang siyang nagpahinga at muling sumakay sa kanyang SUV.

Pumasok siya ng kabayanan …

Nagandahan siya sa lugar kaya naisipan niyang dito magpalipas ng gabi.

Sa isang second class hotel siya tumuloy.

Mula sa bintana ng kinuhang kuwarto, sumilip sa bintanang jalousy ang binata.

Ang gandang tanawin ang mga ilaw sa iba’t ibang tahanan at establisimyento sa labas.

Parang nakasabog na mga bituin sa lupa.

Naisip niya ang sarili.

Malalim siyang napabuntong hininga sa naisip na isang ordinaryong tao na lang siya ngayon.

Parang nasasabik siya sa dating trabaho bilang isang surgeon ngayon pero hindi na niya ito puwedeng gawin ngayon.

Labag na sa batas ang ipagpatuloy niya ang kanyang propesyon.

Bigla siyang nalungkot …

Bilang isang siruhano, marami sana siyang matutulungan pero bawal nang ipraktis niya ito.

Kung tutuusin, hindi siya ang nawalan kundi ang pinapasukang ospital na nawalan ng magaling na surgeon.

Pero ang batas ay batas na dapat nilang sundin.

Nang makaramdam ng pamamagod, naghubad ng pang-itaas na damit ang binata at nahiga sa kama.

Pinilit na makatulog …

Pero kahit ano ang kanyang gawin, hindi siya dalawin ng antok.

Bumangon ang binata …

Nagbihis at naisip na lumabas.

Ngayong hindi na siya doktor, gusto niyang maranasan ang buhay ng isang pangkaraniwang tao.

Sumakay siya sa kanyang SUV at naghanap ng lugar na magandang pagpalipasan ng oras.

May nadaanan siyang medyo class na beerhouse …

Naisipan niyang pumasok dito …

Okey naman ang ambiance …

Salitan ang magagandang ago-go dancer sa stage.

Pumuwesto siya sa isang bakanteng mesa sa isang sulok.

Omorder siya ng beer sa lumapit na waiter.

Painom-inom na ang binata nang lumapit ang floor manager.

“Malungkot uminom nang walang kausap, Sir. Baka gusto mo ng ka-table. Marami kami rito.

Pawang batambata at maganda,” nakangiting alok ng isang may edad ng babae.

Tiningnan ni Romano ang floor manager …

“Sige, bigyan mo ako. Pero kapag hindi ko nagustuhan, papalitan ko,” sabi ng binata.

“Pinakamaganda at pinaka-sexy sa lahat ang  dadalhin ko rito para hindi mo na maisipang magpalit, Sir,” sabi ng floor manager at hangos nang umalis.

Nang siya ay magbalik, may kasama ng isang napakagandang GRO.

“Si Almira, Sir! Estudyante pa lang siya! Nagta-trabaho rito para matustusan ang kanyang pag-aaral,” pagpapakilala ng floor manager sa kasama kay Romano. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply