MALAMIG NA LANGIT (Ika-walong labas)

MALUNGKOT na ngumiti at kumaway si Romano kina Aling Melinda at Mang Akong.

Nararamdaman niya, hindi na babalik pa ang mag-asawa.

Nang mawala na sa paningin ang dalawa, bumalik na sa loob ng bahay ang binata.

Saka niya naramdaman ang kahungkagan …

Ang laki ng kanilang bahay pero mag-isa na lang siyang nakatira.

Naturingan siyang may kasama, pero isang malamig na bangkay.

Kung kailan siya magigising sa kanyang kabaliwan, hindi niya alam.

Napilitang gampanan ni Romano ang trabaho ng isang houseboy at maid dahil sa pagkawala ng mag-asawang Akong at Melinda.

Pero walang pinagsisihan ang binata …

Basta’t nasa piling niya si Hyacinth, masaya ang buhay niya.

DAY off niya nang makatanggap siya ng tawag sa telepono.

Si Gaspar …

Isa sa binayaran niya para nakawin ang bangkay ni Hyacinth sa kinalilibingan nito.

“Good morning, bosing,” masayang sabi ng lalaki sa kabilang linya.

“Ano ang kailangan mo? Bakit ka tumawag?” tanong ni Romano.

“Wala akong kayod ngayon. Kailangan ko ng konting badyet, bosing. Padelihensiya naman!” sagot ni Romano.

“Magkaano ba ang kailangan mo?”

“Isang daang libo!”

Napaangat ang kilay ni Romano sa narinig.

“Parang sinabi mong dagdagan ko ang ibinayad ko sa iyo?” matigas na sabi ng binata.

“Ganun na nga, bosing. At kung magtatangka kang tumanggi, huwag mo nang ituloy. Ituturo ko sa mga pulis kung nasaan ang bangkay na ninakaw namin sa libingan. Alam mo na kung gaano kalaking damage ang ibubunga nito sa iyong career!”
“IS THIS A BLACKMAIL?” bulalas ni Romano.

“Sagutin na lang ninyo ang tanong ko. Magbibigay ka ba o hindi?” matigas namang tanong ni Gaspar.

Buwisit na buwisit pero walang magawa ng binata.

“Pumunta ka rito sa bahay. Kunin mo ang pera,” sagot niya.

“Madali ka naman palang kausap, Bosing. Maraming salamat!” masayang sabi ng kausap.

Ibinaba ni Romano ang telepono at umakyat na sa itaas.

Pumasok sa kanyang kuwarto at binuksan ang kanyang kaha de yero.

Kumuha ng isang daang libong piso.

Matapos ito, bumalik siya sa ibaba at hinintay ang pagdating ni Gaspar.

Makalipas ang may bente minutos, may nag-door bell sa gate.

Mabilis na lumabas ng bahay si Romano.

Nakita niya na may motorsiklo kung saa’y dalawang magkaangkay ang nakasakay na nakahinto sa tapat ng gate.

Nag-alis ng helmet ang isa …

Si Gaspar.

“Magandang tanghali, bosing,” bati sa kanya ng lalaki.

Iniabot ni Romano ang pera.

“Palagay ko’y sapat na ang halagang ito para tigilan mo ako, Gaspar!” sabi ng binata.

Ngumisi ang lalaki.

“Hindi ako makapapangako, bosing. Tingnan na lang natin,” sagot ng huli at pinasibad na palayo ang motorsiklo.

Hatid sila ng suklam na tingin ni Romano.

Lambot na bumalik na sa loob ng bahay ang binata.

Binalikan niya sa kuwarto ang dalagang bangkay.

“Dahil sa pagmamahal ko sa iyo, hindi ko na alam kung saan patungo ang buhay ko. Pero kahit ano ang mangyari, ipaglalaban kita, Hyacinth,” parang baliw na sabi ni Romano habang hinahaplos sa buhok ang bangkay.

Maya-maya’y muling nag-init ang kanyang pakiramdam …

Walang pagsasawa na sinimulan na namang romansahin. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply