Mas malakas na lindol kaysa Japan, yayanig sa MM – Phivolcs

MAS malakas pa sa magnitude 8.9 na lindol na tumama sa Japan ang yayanig sa Metro Manila sakaling gumalaw ang West Valley Fault, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa pagdinig ng Senate committee on climate change, sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum Jr. na ang West Valley Fault ay maaaring makapagdulot ng intensity 9 na lindol sa lungsod ng Manila, Pasay at iba pang nasa gilid ng Manila Bay dahil sa malambot ang lupa dito.

Ipinaliwanag ni Solidum na ang lindol na tumama sa Japan ay nasukat sa magnitude 9, pero dahil nasa Pacific Ocean ito at 150 kilometro ang layo sa lupain kung kaya’t intensity 8 ang yumanig sa northeast region ng nasabing bansa, kabilang na ang Tokyo.

Ipinaliwanag ni Solidum ang kaibahan ng magnitude at intensity sa ganitong paraan: Ang magnitude ay ang enerhiyang inilalabas ng lindol mula sa ilalim ng lupa, habang ang intensity ay ang lakas ng pagyanig sa ibabaw ng lupa.

Ang West Valley Fault na nagmumula sa bahagi ng Sierra Madre mountain ng Bulacan malapit sa Angat Dam hanggang Calamba, Laguna ay may puwersang 7.2 magnitude.

Ngunit dahil dahil malapit lamang ito sa Metro Manila, ang lugar ng Quezon City hanggang sa Makati City ay magkakaroon ng intensity 8 na lindol.

Pagdating sa lungsod ng Maynila at iba pang kalapit na siyudad ay tataas ito sa intensity 9 dahil sa malambot na lupa doon sa bahaging ito ng Kamaynilaan.

“Kapag gumalaw yung West Valley Fault malapit sa fault, intensity 9. Habang lumalayo, dapat bumaba, so ‘yung Quezon City and middle part hanggang Makati will be intensity 8. Pero pagdating ng coastal cities near Manila dahil malambot ang lupa na kinatatayuan ng marami dito ay babalik uli sa intensity 9,” paliwanag ni Solidum.

Sa lakas ng lindol na yayanig sa Metro Manila, nangangamba tuloy sina Senate President Juan Ponce Enrile at Juan Miguel Zubiri na maraming gusali ang masisira.

Idinagdag  ni Solidum na kung maayos ang pagkakagawa ng mga gusali,  kaya nito ang intensity 8 hanggang 9 na lindol.

Ngunit tiyak na lulubog naman umano ang lupa at kalsada tulad ng mga lugar kung saan malalambot ang lupa.

“Kapag gumalaw po ang lupa at kahit magka-liquefaction, kung ang ating mga building ay idinisenyo ng tama ,walang epekto sa building,”ani Solidum.

Tiniyak din nito na hindi magkakaroon ng tsunami kapag gumalaw ang West Valley Fault line, pero kung ang Manila Trench ang gumalaw ay doon pa lamang magkakaroon ng tsunami sa Manila Bay subalit nasa dalawang metro lamang ito at may pinakamataas na apat na metro.

Ibinunyag naman ni Adelo Jandayan, safety and security division ng Light Rail Transit Authority (LRTA), na inirekomenda na nila ang retrofitting ng linya ng LRT mula Baclaran hanggang Caloocan pero hindi pa ito nasisimulan.

Tiniyak naman ng MWSS na kahit malapit sa fault line ang Angat Dam, hindi ito masisira kahit sa intensity 9 na lindol dahil ang pagkagawa nito ay naka-disenyo para maging “flexible.”

Malungkot namang inamin ni Bureau of Fire Protection (BFP) Director Victoria Remedio na hindi nila kayang patayin kapag nasunog ang Pandacan oil depot, tulad ng nangyari sa Japan kung saan nasunog ang ilang oil refineries.  Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply