Masalimuot na usapin

PANANAW ng mga sumusubaybay sa usapin ng pamamaslang kay komentaristang Gerry Ortega ng Puerto Princesa City ay sobrang nagiging mabagal at magulo ang takbo ng isinasagawang imbestigasyon.

Mainam na sana na kaagad na nadakip ang salarin matapos na barilin si Ortega noong Enero.

Nang siya ay nasa poder na ng mga otoridad, daglian niyang pinangalanan ang mga umano’y sangkot sa krimen. Sa puntong iyon, maganda pa rin ang takbo ng kaso.

Ngunit nang ibinunyag ng isang suspek na ang mastermind diumano’y ang dating gobernador ng lalawigan na si Joel Reyes, pumasok sa eksena ang alkalde ng lungsod.

Agad ipinahayag niya na “the case is closed” dahil ayon sa kanya ang mga suspek ay may kaugnayan kay Reyes.

Sinegundahan ito ng biyuda ni Ortega at idineklarang si Reyes nga ang nasa likod ng pagpatay. Ang problema sa mga pahayag ng punong lungsod at ng asawa ng biktima ay pawang wala itong basehan kundi yung sinabi ng isang suspek na kailangang suportahan ng ebidensiya at iba pang tatayong testigo.

Bukod dito, hindi pa nasisiyasat at napag-aaralan nang husto ng National Bureau of Investigation ang kaso kaya wala pang opisyal na report na naisusumite sa Department of Justice.

Nakisawsaw din ang isang abogadong kumakatawan daw sa pamilya ng biktima na agad idineklarang nasa watchlist na si Reyes at may Hold Departure Order na raw ito sa Bureau of Immigration – bagay na walang katotohanan dahil hindi pa nga opisyal na sinasampahan ng kaso ang inaakusahan.

Hindi ganito ang paraan upang makamit ang katarungan para sa pinaslang na katoto namin sa propesyon.

Hayaan nating gumiling ang tamang proseso ng hustisya at huwag daanin sa palakasan ng boses at ng pahayag na naglilihis sa landas ng katotohanan.

Kami ay hindi rin nagpapabaya sa usaping ito, lalo pa nga at kapatid namin sa pamamahayag ang biktima. Patuloy kaming susubaybay sa isyung ito para makamit ang katarungan sa wastong pamamaraan.  Radito Torres

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply