Maynila, sagad sa bookies ni Delfin Pacia!

HINDI lang pala “tong” koleksyon mula sa mga vendors ng Maynila ang inaatupag nitong kuwadra ng mga pulis na sina Ver Navarro, Arnold Sandoval, Mike Morellos, Von Cruz, Noel de Castro, Joji Marcelo at isang alyas Paknoy.

Sila rin pala ang nasa likod nitong si Delfin Pacia, ang ngayo’y number-one horse race bookie operator sa buong Maynila. Sa ngayon, tadtad ng butas ng bookies ni Pacia ang halos lahat ng distrito ng Maynila.

Kaya pala mistulang nangamote sa kalakaran ng 1602 itong sina Apeng Sy, Boy Abang at Erlan Samson ay dahil sa grupo nitong si Ver Navarro na ngayo’y kakuntsaba ni Delfin Pacia sa bookies ng karera sa Tondo at halos lahat ng kalye sa Sta. Cruz, Maynila.

May go-signal daw ang grupong ito kay NCRPO director Chief Supt. Nic Bartolome, MPD director Chief Supt. Obet Rongavilla at maging kay Manila Mayor Alfredo Lim!
Alam kaya ito ng kagalang-galang na alkalde? Malamang hindi!

Panawagan kay Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, hindi ba’t tumbok n’yo po ngayon ang mga scalawag na pulis? Unahin po ninyo agad ang grupo
nitong si Navarro na bukod sa pagmamalupit sa mga vendors ay sila pa ang
nangunguna sa operasyon ng illegal gambling sa Maynila.

Para inyong kaalaman, ito po ang lugar ng mga butas ng bookies ng karera na protektado ng nasabing grupo ng mga pulis: Sa Sta. Cruz, Maynila — 2906-N Tambunting St.; 2433 cor. Kalimbas at Cavite Sts.; 1914 cor. K. Loob at Tayuman Sts.; 1257 Bambang St.; sa 1866 cor. Antipolo at Vision Sts.; 2052 Anacleto St. sa gitna ng Yuseco at Herrera Sts.; 2245-A.cor. M. Natividad at Laguna Sts.; 1249 Tambunting St.; 2032 cor. Elias at Consuelo Sts.; 1535-B cor. Milagros at Quiricada Sts.; at 2230 cor. M. Natividad at Laguna Sts.

Sa distrito ng Tondo — 1713 sa panulukan ng Yakal at Nicolas St., 1759 Tecson de Guia malapit sa Villaruel Nicolas St., 520 Padre Rada St., at #912 sa panulukan ng Elcano St. at Recto Ave.

Pero mas maganda kung unahan na lang ni Mayor Lim si Secretary Robredo sa pagkilos, di po ba sir?

* * * * * * * *

NAKAPANGHIHILAKBOT ang pahayag ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) deputy administrator Bartolome Bautista na nagbabadya anumang oras na gumalaw ang fault line sa Marikina West Valley na maaaring magdulot ng malakas na lindol na aabot sa 7.2 magnitude.

Ang nasabing fault line ay nagmumula sa Sierra Madre hanggang sa Sta.Rosa, Laguna at sa Carmona, Cavite at tumatagos sa Bulacan, Rodriguez, Rizal, Quezon City, eastern Metro Manila kung saan maapektuhan ng husto ang mga lungsod ng Pasig, Taguig, Muntinlupa at San Pedro, Laguna.

Accurate man o hindi ang pag-aaral na isinagawa ng Phivolcs, maging handa sana tayo sa anumang pangyayari sa lahat ng pagkakataon.

Sa lakas ng lindol na nakikita ng Phivolcs na tatama sa atin, tiyak na malaking pinsala ang idudulot nito hindi lang sa mga ari-arian kundi maging sa buhay man nating lahat.

Kuwestiyunable pa ang kakayanan ng ating gobyerno sa ganitong uri kalamidad. Natatandaan n’yo pa ba ang bagyong Ondoy? Bagyo pa lang ‘yun pero halos nabura sa mapa ang ilang bahagi ng Metro Manila.

Kaya’t malayo man sa katotohanan o hindi ang babala ng Phivolcs, walang masama kung uumpisahan na nating maghanda ng first aid kits, reserve batteries, flash lights, kandila, posporo o lighter, silbato, mga de-latang pagkain, biskuwit  at ilang litro ng tubig na maaaring isilid sa isang bag na back-pack.

Alamin din mula sa mga opisyal ng inyong lugar kung alin sa mga gusali sa inyong lokalidad ang ligtas at di ligtas pagsilungan sakaling may lindol. Itanong din
kung ano ang mga dapat gawin sakaling maganap ang disaster na ito. Mabuti na ‘yung handa ka sa lahat ng bagay.

Huwag rin natin siyempre kakalimutan ang taimtim na pagdarasal sa araw-araw. Ito lang ang pinakamalakas nating sandata laban sa anumang uri ng kapahamakan!
* * * * * * * *

MAY pag-asa pa rin ang nagsi-uwing mga kababayan nating OFWs mula sa magulong bansa ng Libya.

Sinimulan na kahapon sa SM North EDSA, Quezon  City ang 3-day job fair na inorganisa ng US Embassy sa pakikipagtulungan ng may 33 kumpanya ng mga Amerikano at ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pangunguna ni Secretary Rosalinda Baldoz.

Umaabot sa 6,600 oportunidad para sa lokal na trabaho ang naghihintay para sa ating mga kababayan lalo na nga itong mga OFWs natin na nawalan ng trabaho dahil
sa giyera sa Libya.

Kumpanya ng mga call centers ang may pinakamalaking bilang ng trabahong inilalako sa ating mga kababayan (3,000 job openings) habang ang iba pang mga trabahong handog ng iba pang mga kumpanya ay may kinalaman sa banking-retail, business process outsourcing, information technology, engineering, trabaho sa mga hotel, energy, manufacturing, pharmaceuticals, at semiconductors.

Ilan pa sa mga posisyong inihahandog ng nasabing job fair ay card at bank sales officers, customer service representatives, BPO agent at non-agent positions, mga engineer, mga makinista, mga electricians, marketing staff, HR generalists, accountants, technical officers, IT specialists, at analysts.

Sa mga katoto natin na naghahanap ng trabaho, pasyalan n’yo na ang job fair na ito at baka sakaling naririto ang inyong suwerte!

* * * * * * * *
Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply