DZME broadcaster patay sa ambush

PATAY ang isang anchorwoman ng radio station at presidente ng isang samahan makaraang tambangan ng dalawang hired killer habang papasok sa kanyang trabaho kaninang umaga sa Barangay Maysilo, Malabon City.

DZME anchorwoman Len Flores Somera sa isang pagpupulong sa City hall ng Malabon. Roger Panizal

Ang biktima na hindi na umabot nang buhay sa Valenzuela Emergency hospital sanhi ng tama ng punglo sa kaliwang mata ay kinilalang si Maria Len Flores-Somera, 45, reporter at anchorwoman ng DZME at kasalukuyang presidente ng Silonian Neighborhood Association (SNA), ng 35 Selonian St., Maysilo, nasabing lungsod.

Sa pinagsanib na imbestigasyon nina PO3 Joel dela Torre at PO2 Alvarado ng Station Investigation Division ng Malabon police, ganap na 9:45 kaninang umaga nang maganap ang pananambang sa isang makitid na eskinita ng Selonian, nasabing lugar.

Agad namang ipinag-utos ni Sr. Supt. Cornelio Barrios sa kanyang mga kapulisan na tugisin at hulihin ang dalawang hindi pa nakikilalang salarin na pinaniniwalaang hired killer.

Ayon sa ulat, papasok ang biktima sa DZME sa may Victory Mall para sa kanyang programang pang 10:30 a.m. nang salubungin siya ng dalawang salarin saka malapitang binaril sa kaliwang mata.

Nabatid na habang inaabangan ang pagdaan ng biktima, kumain muna ng pansit ang mga suspek sa kainan ni Aling Liza.

Nang makita ang target ay agad tumayo ang dalawa saka pinaputukan ang biktima bago tumakas.

Ayon sa pahayag ni Mrs. Solena Villa, 52, tiyahin ng biktima, bilang pangulo ng samahan ang kanyang pamangkin, mahigpit na ipinaglalaban nito na maibahagi ang kanilang kinatitirikang lupa na pinaniniwalaang sa  gobyerno, subalit mayroon daw mahigpit na tumututol na maimpluwensyang tao sa nasabing lugar.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad kung may kinalaman ang posisyon ng biktima sa ambush. Roger Panizal

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply