Mga bilihin tumaas ng 7.9% – DTI

KINUMPIRMA ng Department of Trade and Industry (DTI) na tumaas na ng tinatayang 7.9 porsyento ang presyo ng mga produkto sa bansa kasunod ng paglobo sa presyo ng petrolyo dulot ng krisis sa Gitnang Silangan.

Sinabi ni Secretary Gregory Domingo na P2 na ang itinaas kada lata ng corned beef habang P2 ang itataas sa isang loaf bread at P1 sa 10 pirasong balot ng pandesal.

Ayon kay Philippine Association of Flour Millers (PAFMIL) executive director Ric Pinca, lumobo ang presyo ng harina sa P80 kada sako ang harina na umaabot na ngayon sa P900 kung kaya’t apektado rin ang presyo ng tinapay.

Kinumpirma rin ng DTI na nagtaas na rin ang presyo ng gatas sa internasyonal na pamilihan maging ang tin plates na gamit ng mga manufacturer sa mga produktong de-lata.

Ngunit sinabi ni Domingo na magsasagawa sila ng kompyutasyon sa tamang presyo na dapat itaas ng mga pangunahing produkto upang mabantayan sa posibleng paglabag ng mga negosyante.

Sinabi nito na nakabase ito sa 5 porsiyento itinaas sa gastos sa transportasyon ng mga bilihin na kung susumahin ay dapat 1 porsiyento naman ang katumbas na dapat itaas ng mga produkto.

Magsasagawa ng survey ang DTI sa presyo ng mga produkto sa buong bansa upang maging basehan ng kompyutasyon at malaman kung may mga paglabag o “profiteering” ang mga negosyante.

Inaasahang matatapos ang kompyutasyon ng DTI ngayong linggo para magkaroon ng pamantayan sa mga negosyante at mamimili sa tamang presyo ng mga bilihin.  Johnny F. Arasga

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply