Mga gusali sa Pinas ipinasusuri sa DPWH

INATASAN ni Sen. Loren Legarda ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kaagad magsagawa ng pagsusuri ng lahat ng istruktura sa buong bansa tulad ng paaralan at mga ospital upang matiyak ang katatagan ng gusali laban sa lindol.

Ipinananawagan ito ni Legarda nitong Sabado, Marso 12, matapos manalasa ang 8.9 magnitude na lindol sa Japan na sumira sa maraming lungsod at umabot na sa mahigit sa 400 ang naiulat na namatay at daan-daan pa ang nawawala.

“Hindi natin maiiwasan ang natural hazards, pero maiiwasan ang pinsala kung magsasagawa tayo ng kaukulang paghahanda. Nagiging major disaster ang lindol kung di ligtas ang mga istruktura-mahinang pagkakatayo ng imprastruktyur, gusali na wala sa tamang lugar, mahinang disenyo at espisipikasyon ng materyales, at tinipid ang kontruksiyon,” ayon kay Legarda.

Kasabay nito, inihayag ni Sen. Ferdinand Marcos Jr., na patuloy na mino-monitor ng kanyang tanggapan ang kaganapan sa Ilocos Region dahil may ulat na nagbabanta ang tsunami at posibleng magkaroon ng katulad na lindol dahil nakakabit ang lalawigan sa earthquake belt na sumalanta sa Japan.

Ayon kay Legarda, mahalagang simulan ngayon ng DPWH ang masusing inspeksiyon sa lahat ng pampubliko at pribadong istruktura. “Kung magkakaroon ng karagdagang gastusin sa pagtatayo ng istruktura para maging ligtas laban sa lindol, mabuti naman ito dahil maiiwasan natin na magbuwis ng buhay.”

Inirekomenda pa ni Legarda sa pamahalaan na tiyaking earthquake-proof ang lahat ng eskuwelahan at pagamutan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng nationwide structural evaluation sa lahat ng kritikal na imprastraktyur.

Aniya, dapat din na tiyakin na matatag ang mga tahanan, tanggapan, shopping mall at public building laban sa mapaminsalang lindol.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Sen. Bongbong  na kasalukuyang abala ang  tanggapan  ni Gov. Imee Marcos sa paghahanda sa anumang epekto ng lindol sa Japan sa lalawigan matapos magkakaroon ng tsunami alert.

“I am in constant contact with Governor Imee Marcos-Manotoc and am standing by if there is a need for assistance from the National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC). The provincial government of Ilocos Norte is monitoring the tsunami threat and is consolidating assets and relief goods for immediate deployment in case there will be a tsunami. There is also a threat of earthquake since we are on the same fault line as Japan. The same rescue and relief responses will be in place should earthquake strike,” ayon kay Marcos. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply