Mga kongresista inip na sa ‘pork’

INANGALAN na ng mga mambabatas ang mabagal na paglalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ng implementing guidelines ng Special Allotment Release Order (SARO), lalo na sa mga soft project na inilalaan para sa mga local constituents.

Inamin ng minorya sa Kamara de Representantes nitong Miyerkules na kahit ang mayorya ay apektado rin ng bagong sistema na ipinatutupad ng DBM.

Sinabi ni House Assistant Minority Leader at  Zambales Rep. Milagros Magsaysay na maging ang simpleng suporta ng mga mambabatas sa mga “poorest of the poor” ng kanilang mga distrito ay lubhang naapektuhan ng bagong pakulo ng DBM.

Kabilang sa mga naaapektuhan ay ang scholarship program, suporta sa mga namatayan at may karamdaman at suporta sa mga lokal na pamahalaan dahil sa loob ng halos tatlong buwan ay wala pang naire-release na pondo na bahagi ng kanilang mga Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Sa simpleng karamdaman lamang umano pag lumapit sa kongresista ay kinakailangan pang magtungo sa Maynila at pumila sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)m samantalang dati ay direkta nilang nabibigyan ng gamot o tulong ang mga nangangailangan.

Pinuna rin ni Magsaysay na maaaprubahan lamang ang isang soft project kung ang mismong mangangasiwa sa procurement ay ang mga kaalyado ng pamahalaan.

Kinuwestyon ni Magsaysay ang hakbanging ito ng pamahalaan sapagkat nagpapakita lamang umano ito ng kawalan ng tiwala sa mga tauhan ng Commission on Audit (COA).

“May COA naman, bakit hindi ipaubaya sa kanila ang pagbabantay kung tama o mali ang ginagawang paggastos?,eh, masyadong subjective ang pamahalaan sa puntong ito”, giit pa ni Magsaysay.  Meliza Maluntag

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply