Mga salarin sa pagpatay ng NBI agent tinutugis

NAGSASAGAWA na ng follow-up operation ang kapulisan ng Makati City ukol sa pamamaril sa isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) madaling araw ng Sabado, Marso 26.

Tinutugis ng mga awtoridad ang dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo na umano’y bumaril at nakapatay kay Ryan Michael Romero na nakatalaga sa NBI anti-kidnaping unit.

Dati ring nakadestino si Romero sa tanggapan ng anti-smuggling unit ng nasabing ahensya.

Naganap ang pagpatay dakong ala-una ng madaling araw nang dumalaw ang biktima sa bahay ng kanyang kumpare sa M. Ocampo St., Barangay Pio del Pilar ng nabanggit na lungsod.

Nag-iinuman umano at nakaupo sa silya sa harap ng bahay ng kanyang kumpare ang biktima nang dumating ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo.

Hindi umano pinansin ni Romero ang pagdating ng mga suspek na bumunot ng kalibre .45 at sunud-sunod na pinaputukan ang una.

Namatay noon din ang biktima matapos tamaan ng apat na bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Agad namang tumakas ang mga suspek gamit ang sinasakyang motorsiklo sa ‘di batid na lugar.

Nakuha ng mga imbestigador ang limang basyo ng kalibre .45 at dalawang depormadong bala sa lugar na pinangyarihan.

Sinisiyasat pa ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang pamamaslang sa kanyang dating trabaho bilang ahente ng NBI na pumipigil sa mga aktibidad sa smuggling. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply