Mister Donut ‘nanakot’ dahil sa ulat ng pagkalason ng 2 bata

NANANAKOT ang tono ng liham mula kay G. William Viloria, kinatawan ng Bountiful Branches Business Corp., isang franchisee ng Mister Donut na matatagpuan sa Robinson’s Place sa Ermita, Maynila.

“(We) demand that you immediately publish a written apology in your publication and retract the statements made in the above-mentioned article, failing which, we are prepared to take any and all necessary legal action to protect our interests,” ani Viloria sa liham na may petsang Marso 11, 2011.

Ang tinutukoy ni Viloria ay ang isang report na inilathala ng Remate noong ika-27 ng Pebrero, 2011 na may pamagat na, “2 paslit naospital matapos malason ng Mister Donut.”

‘Tamang’ pamamahayag?

Binatikos ng kinatawan ng franchisee ng Mister Donut ang pagkakalathala ng nasabing artikulo dahil hindi raw ito totoo.

Hindi umano dapat ituring na katotohanan ang iniulat na pagkakaospital ng magkapatid na Jacob at Joachim Bañez dahil sa pagkain ng kanilang produktong doughnut dahil ang impormasyon ay galing sa mga magulang ng mga bata na umano’y “unfounded and self-serving.”

Nileksyunan din ni Viloria ang publisher at editor ng Remate kung paano gagawin ang trabaho nila.

Aniya, “(Y)ou neglected the tenets of responsible and ethical journalism by never seeking or attempting to seek the explanation of Mister Donut, or any of its representatives regarding the alleged food poisoning.”

Idinagdag pa ni Viloria na walang ebidensya ang “kongklusyon” ng pahayagan ang mga produkto ng Mister Donut ang siyang naglason sa magkapatid na Bañez.

“(Y)our publication of false, damaging and malicious statements is a clear act of libel,” matigas na pahayag ni Viloria.

Naninindigan sa istorya

Bilang pagtugon sa sulat ng kinatawan ng Bountiful Branches Business Corp., na franchisee ng Mister Donut, ipinatawag ng patnugutan ng Remate ang nagsulat ng balita, ang reporter na si Jocelyn Tabangcura-Domenden.

Nanindigan si Tabangcura-Domenden na wasto at makatotohanan ang pagkakalap niya sa mga tinuran sa nasabing artikulo.

Aniya, “factual” ang kanyang isinulat mula sa iniutos ni Manila Mayor Alfredo Lim na pag-iinspeksyon ni Insp. Marcelo Reyes, hepe ng Manila City Hall Detachment, sa inireklamong tindahan ng Mister Donut.

Tiniyak ni Tabangcura-Domenden na base sa rekord ang pagkakasalaysay niya sa kaso ng pamilya Bañez.

Sa katunayan ay nagpakita ang reporter ng isang kopya ng “Sinumpaang Salaysay ng Pagrereklamo” na pirmado ng ina ng dalawang nabiktimang bata na si Jeanne Eliang Bañez.

Salaysay ng ina

Sa kanyang nilagdaang dokumento, ganito ang kwento ni Gng. Bañez:

“Bandang alas 5:30 ng hapon, Pebrero 7, 2011, bumili ako ng Labing Isang (11) pirasong maliliit (Smidget) assorted na ‘Mister Donut’ sa Robinson’s Place Branch, 3rd Floor, Food Court Area, Robinson’s Place, P. Gil St., Ermita, Maynila. At pagkatapos tumuloy na ako sa aming sasakayan na nakaparada sa Parking Area ng nabanggit na estblismento kung saan naroroon at naghihintay ang aking asawa at dalawang anak.

“Pagkatapos ko nga sumakay ng aming kotse binigyan ko ang aking dalawang anak ng ‘Mister Donut’’ at habang kami ay bumabiyahe kumakain ang dalawa kong anak na sina ‘JACOB’ 4 na taong gulang at ‘JOACHIM’ 2 taong gulang ng ‘Donut’ Ganado ang mga dahil paborito nila ang nasabing pagkain

“Hanggang makarating kami ng aming bahay, ngunit napansin kung kapwa matamlay ang dalawang bata imbes na dapat masigla ang mga ito sapagkat busog, nagulat ako ng mga ilang minute nagsuka si ‘JACOB’ at sumunod si ‘JOACHIM’ nabahala na ako ng halos magkasabay na magsidumi ang mga ito ng tubig na may halong itim na dumi.

“Dahil, hindi na ordinary ang sitwasyon kaagad kung sinabihan ang aking asawa na si ‘BUTCH’ na dalhin na namin ang dalawang bata sa Medical City Hospital.” (Sundan ang karugtong bukas)

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply