MMDA rerouting kontra sa caravan protest

PINAYUHAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na sumunod sa itinakda nilang rerouting upang makaiwas sa matinding trapiko na lilikhain ng malawakang caravan protest Huwebes, Marso 31, ng mga militanteng grupo kontra sa walang humpay na pagtaas sa presyo ng petrolyo sa bansa.

Sa advisory ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), magsasagawa ng martsa ang kanilang mga miyembrong organisasyon mula Welcome Rotonda, dadaan sa Blumentritt tungo sa Loyola, Bustillos, Legarda at magtatapos sa Mendiola kung saan magsasagawa sila ng programa.

Pangungunahan naman ng mga miyembro ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) ang transport caravan na mag-uumpisa sa  Quezon City Memorial Circle, dadaaan sa Quezon Avenue tungo sa Welcome Rotonda, Espana, UST, Morayta, Recto at magtatapos din ng Mendiola.

Sa mga west-bound na motorista, pinayuhan ng MMDA ang mga motorista na buhat sa QC Memorial Circle na kumanan sa North Avenue diretso ng Edsa, mag-U turn sa SM North, kumanan sa West Avenue diretso ng Del Monte, kaliwa sa Araneta Avenue, kakanan sa Ma. Clara street at diretso sa Andalucia hanggang sa makarating sa destinasyon.

Sa mga East-bound naman, pinayuhan ang mga motorista na dumiretso sa Sergio Loyola street, Matimyas, kanan sa E. Rodriguez Avenue, kaliwa sa Banawe o dumiretso sa Araneta Avenue hanggang sa makarating ng Edsa at destinasyon.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na inihanda nila ang may 60 behikulo para maghatid sa mga mai-istranded na mga pasahero sakaling maparalisa ang pampublikong transportasyon makaraang ipanakot ng Piston na may 200 pampasaherong jeep ang sasali sa kanilang transport caravan.

May 5,000 pulis naman ang ikakalat ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa mga apektadong lugar upang magbigay ng seguridad sa publiko at mga raliyista at maiwasan ang marahas na pamimilit ng mga drivers sa mga kasamahan na sumama sa kanilang kilos-protesta. Amor Virata

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply