Mrs. Ligot, bayaw, “tutustahin” sa pabaon scandal

TUTUSTAHIN ng Senado ang kabiyak ni dating AFP comptroller B/Gen. Jacinto Ligot, si Erlinda, kabilang ang bayaw nito hinggil sa talamak na korapsiyon sa militar partikular ang multi-milyong kinulimbat ng heneral.

Sa panayam, sinabi ni Sen. Jinggoy Estrada na kung dadalo sina Mrs. Ligot at bayaw nitong si Edgardo Yambao, malamang isara na ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guigona III.

Ayon kay Estrada, ang testimonya na lamang nina Mrs. Erlinda Ligot at kapatid nitong si Edgardo Yambao ang kanyang hinihintay para irekomenda sa Senate Blue Ribbon Committee ang pagpapasara sa imbestigasyon ng pasalubong, payola, pabaon at iba pang klase ng kurakutan sa AFP.

“Dapat last hearing na tomorrow (Huwebes) pag sumipot itong sina Mrs. Ligot at Mr. Yambao, tatapusin na,”giit ng senador.

Pinadalhan ng subpoena ang dalawa upang  humarap sa pagdinig sa Huwebes, Marso 3,  at kung hindi sila dadalo. ipapaaresto ni Estrada.

Nanggagalaiti si Estrada kay Mrs. Ligot dahil mukhang pineke lang nito ang kanyang sakit nang magpa-confine sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City noong Pebrero 22 para makaiwas sa pagdalo sa imbestigasyon ng Senado noong Pebrero 24.

“I heard that she checked out (from the hospital ) after the hearing, on the same day,”pagbubunyag ng senador.

Gigisahin sana ni Estrada si Gng. Ligot kung paano ito nagkaroon ng sampung bahay sa Estados Unidos at multi-milyong pisong  bank account sa Pilipinas kung isang plain housewife lamang siya.

Si Yambao ay tatanungin naman kung bakit nagkaroon ng multi-milyong bank account at condominium unit sa Fort Bonifacio kung wala naman itong negosyo o trabaho dahil sa hindi pagsasampa ng income tax returns(ITR).

Naniniwala si Estrada na ipinasa lamang ni Gen. Ligot sa kanyang asawa at bayaw ang perang nakurakot niya sa AFP upang sa gayon ay hindi mahalata ang mga tagong-yaman nito.

Matatandaan na ang privilege speech ni Estrada at ang resolusyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang naging basehan para ipatawag ni Sen. Teofisto “TG” Guingona III, chairman ng komite, ang imbestigasyon sa naturang kontrobersya.

Iniharap ni Estrada ang kanyang testigong si dating AFP budget officer retired Lt. Col. George Rabusa kung saan ibinunyag nito ang pagtanggap ng P 10 milyon pasalubong, P 5 milyong buwanang payola at P 50 milyong pabaon ni dating Defense Secretary Angelo Reyes, gayundin sina dating AFP chief of staff Diomedio Villanueva at Roy Cimatu. Ilang araw ang lumipas, nagpakamatay si Reyes sa harap ng puntod ng kanyang ina sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.  Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply