Neneng ‘di pinauwi ng 5 kelot

NAHAHARAP sa mga kasong abduction at qualified seduction of minor ang limang kalalakihan na umano’y nagkutsabahan upang mahimok ang menor-de-edad na dalagita na sumama sa kanyang kasintahan Miyerkules ng hapon, Marso 9, sa Pateros.

Unang nadakip ng mga tauhan ni Supt. Angel Sumulong ng Pateros Police Station na sina John Michael Misoles, 18 at isang 16-anyos na kasama nito matapos maghain ng  reklamo sa pulisya ang mga magulang ng 13-anyos na high school student na hindi umuwi sa kanilang bahay matapos pumasok sa eskuwela.

Sa report ng pulisya, nagtungo umano ang dalagita sa bahay ng kasintahang si Jhoner Catabay, 20, sa 1171 P. Rosales St., Sta Ana, Pateros matapos lumabas sa  pinapasukang paaralan dakong alas-5:30 ng hapon sa halip na umuwi sa kanilang bahay.

Nag-alala ang mga magulang ng dalagita nang lumatag na ang dilim ay hindi pa ito umuuwi kaya’t nagtanong na sila sa mga kaibigan ng biktima hanggang may nakapagsabi na nagtungo ito sa bahay ng kasintahan.

Nang puntahan naman ng isang Benjamin Simon, kaibigan ng mga magulang ng dalagita ang bahay ni Catabay, tinakot at pinagbantaan pa ang lalaki kaya’t humingi na sila ng tulong sa pulisya.

Sa ginawang follow-up operation ng pulisya, nadakip sa isang lugar sa Pandacan,  Manila ang kasintahan ng dalagita na si Catabay, pati na ang umano’y mga kakutsaba na sina Emil Rafanan, 21 at Aquilino Requilla, Jr., 25 na pawang mga residente ng Sta. Ana, Pateros.

Nasagip din ng pulisya sa pinagdalhang lugar sa Pandacan ang dalagita at nakatakda ng isailalim sa medical examination upang alamin kung nagawan siya ng kahalayan ng mga suspek. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply