No mercy kay Merci

MUKHANG tutuluyan na ng administrasyong Aquino ang pag-impeach kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Nakatakda na nitong Lunes na ilatag sa plenaryo sa Kamara de Representantes ang “articles of impeachment” laban sa ombudsman.
Pagkatapos nito ay debate na at botohan kung isasampa ba ang kaso laban sa akusado.

Sa pananaw ng kampo ng administrasyon, wala nang makapipigil sa pag-usad ng pagpapatalsik kay Gutierrez. Subalit may ilang ilang grupo pang humirit nitong Linggo na palabuin ang usapin.

May kumalat na “text message” na nagbabanta umano ang Palasyo na hindi ilalabas ang “pork barrel” ng mga kongresista na hindi boboto sa pagpapatalsik kay Gutierrez.

Dumistansya ang Palasyo sa tsismis. Anito, hindi ito pumapatol sa tsismis, kaya ayaw nitong magkomento sa isyu.

May punto ang Palasyo. Hindi naman na siguro pa kailangan na magbanta pa ang administrasyon sa mga kaalyado nito na ituloy na ang nasimulang pagpapatalsik sa ombudsman.

Nasa mayorya naman ang administrasyon sa Kongreso at wala namang mawawala sa mga kaalyado ni Aquino na kongresista kung sasang-ayon sa pagtatanggal kay Gutierrez.

Liban lamang kung talagang iiral ang pagiging gahaman sa salapi ng mga kongresista. Baka naman talagang may ilan sa kanila na gustong kumita. At pagkakataon nga namang tumanggap ng suhol mula sa kung sino man ang may interes sa usaping “impeachment.”

May kakampi siyempre si Gutierrez sa Kamara. Nandiyan si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ang mga kaalyado ng dating administrasyon. Papangalagaan siyempre nila ang kapakanan ng dating kakampi na ombudsman.

Kaya nararapat din ang pagmamatyag. Idaan na lang sa balitaktakan sa plenaryo kung may ebidensya talaga laban kay Gutierrez.

Sa isang ideyal na demokrasya, hindi dapat dinadaan sa pera o pananakot ang desisyon ng ating mga kinatawan sa Kongreso sa usaping nakabubuti sa mamamayan o sa hustisya sa ating bayan.

Kung talagang may ebidensya laban sa ombudsman, dapat na talaga siyang tuluyan.
Ika nga, “no mercy kay Merci” kung siya’y may kasalanan.
Pero kung wala o palpak naman ang mga alegasyon, aba’y dapat pairalin ang hustisya at di ang paghihiganti ng mga nasa kapangyarihan. Joe Torres

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply