Nuclear program ibasura, renewable energy itaguyod!

ENERHIYANG dulot ng kalikasan at hindi ng siyensiya na katulad ng sa programang nukleyar ang angkop sa Pilipinas kung nais ng ating mga mambabatas na mapaunlad at mapamura ang gastusin sa daloy ng kuryente sa buong bansa.

Sagana sa biyaya ng kalikasan ang ating bansa na maaaring pagkunan ng alternatibong enerhiya kagaya ng geothermal, hangin, biomass, solar, hydro at maging ang karagatan kung saan magandang ehemplo dito ay ang proyektong windmill power generators sa Bangui, Ilocos Norte na isinakatuparan ni dating governor
Bongbong Marcos na ngayo’y isa ng senador.

Kataka-taka kung bakit ilan sa ating mga mambabatas ang tila pinagpipilitan ang proyektong nukleyar gayung tanggap nila na mas mainam at ligtas ang paraan ng renewable energy?

Malaki ang nagagastos ng ating gobyerno (P40 milyon kada taon) sa pagmamantine sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) mula nang ipasara ito ni dating Pangulong Cory Aquino matapos ang People Power Revolution noong 1986.

Wala nang saysay kung ipagpapatuloy pa ito.

Sa Kamara, pansamantalang ipinahinto muna ni Pangasinan Representative Carmen Cojuango ang usapin sa House Bill 1291 na naglalayong buhayin ang matagal nang nahimlay na BNPP matapos ang malakas na lindol at tsunami na sumalpok sa bansang Japan na naging mitsa sa pagsabog ng tatlong planta ng nuclear reactor nito sa Fukushima.

Pero mukhang may plano pa rin si Rep. Cojuangco na isulong ang nasabing panukala sa tamang pagkakataon.

Pahuhupain lang ang pangyayari sa Japan at maging ang mga protesta ng mga pro-environmental groups sa ibang bansa kagaya ng Greenpeace.

Naunang isinulong ang nasabing panukalang ni dating congressman Mark Cojuangco, asawa ni Rep. Carmen, noong ika-14 na Kongreso.

Marami na ang nagkomento, maging ang ilan din sa mga miyembro ng Kamara, na  may bahid ng pansariling interes ang naturang panukala.

Sa Senado, tutol naman si Senadora Miriam Defensor-Santiago na tuldukan ang Senate Bill 2665 – ang panukala niyang batas may ilang taon na ang nakararaan na naglalayon sa dagliang pag-rekomisyon sa BNPP.

Kamakailan ay pinasaringan ng senadora ang mga taong nagpahayag ng pagkontra sa kanyang panukala na aniya’y tugon sa isyu ng global warming at sa napipintong kakulangan sa kapasidad ng elektrisidad sa bansa sa susunod na taon.

Depensa ng batikang senadora, layunin lang ng kanyang panukala na alamin o pag-aralan ng mga eksperto natin kung uubra pa bang paganahin ang BNPP at hindi ang dagliang paggamit nito sakaling puwede pa.

Pero kung susumahin, giit ng nasabing panukala na gamitin ang sinasabing nuclear power option bilang tugon sa napipintong krisis sa enerhiya ng bansa.

Mas moderno pa raw kung tutuusin ang nuclear facility ng BNPP kumpara sa Fukushima, Japan

Pero moderno man o hindi, iisa pa rin ang dulot na panganib nito sakaling magkaroon ng problema katulad nang naganap sa Japan.

Isa pa, hindi tayo handa sa anumang sakunang idudulot nito bunga na rin sa kakulangan ng mga eksperto sa hanay ng ating gobyerno para imantine ang masalimuot na programang ito.

Sakaling patakbuhin man ang BNPP, tiyak na mapupunta ang responsibilidad sa mga pribadong kumpanya o kontraktor.  Ito marahil ang nais mangyari ng ilang mga mapagsamantalang nilalang na bihasa sa pagbigkas ng katagang “in aid of legislation.”

Kung inyong matatandaan, marami ng kumpanya mula sa ibang bansa (ang isa ay mula sa South Korea) ang noo’y nagpahiwatig ng intensyong paganahin ang BNPP sa pamamagitan ng sistemang BOT (build-operate-transfer) sakaling magbigay ng go-signal ang ating pamahalaan sa tulong ng ayuda ng ating mga mambabatas.

Dito pa lang ay tiyak na ga-tsunami ang halaga ng komisyong aapaw mula sa
kaha-de-yero ng mga magsasamantala!

Noong nakaraang Kongreso ay chairman ng Senate committee on energy si Senadora
Defensor-Santiago. Kabalikat niya sa Kamara noon si Rep. Mikey Arroyo sa
pagtaguyod sa paggamit sa renewable energy resources natin.

Ano ang nangyari at ngayo’y tila baligtad ang nangyayari?

* * * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o
kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply