Oil companies pinag-iimbak na ng petrolyo

DAHIL sa patuloy na tensyon sa Middle East na pangunahing pinagkukunan ng langis ng Pilipinas, pinayuhan ng Department of Energy (DoE) ang oil companies na mag-imbak ng petrolyo.

Bukod dito, pinadadagdagan din ng DOE sa oil firms ang inaangkat nilang langis para matiyak na may sapat na suplay ng petrolyo ang bansa.

Ayon kay Oil Industry Management Bureau Dir. Zeny Monsada, dapat tumagal ng hanggang isang buwan ang suplay ng oil companies na may oil refinery sa bansa tulad ng Shell at Petron.

Habang ang ibang kompanya ng langis na direktang nag-aangkat ng finish product sa ibang bansa ay dapat magkaroon ng imbentaryong tatagal ng hanggang 15 araw.

Pinayuhan naman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Administrasyong Aquino na ipahalungkat na sa Commission  on Audit (COA) ang libro ng mga kumpanya ng langis sa bansa para maberipika kung may overprice sa presyo ng kanilang gasolina, diesel at iba pang produktong petrolyo.

Ayon kay Cayetano, ito lang ang paraan para malaman kung nananamantala ang mga kumpanya ng langis sa krisis ngayon sa Gitnang Silangan.

Nagtataka rin ang mambabatas kung bakit sa tuwing magtataas ng presyo ng kanilang produkto ang mga kumpanya ng langis, katuwiran ng mga ito ay malulugi sila kapag hindi nila ginawa.

Matatandaang nitong mga nakaraang araw lamang ay walang habas na nagtaas ng halos dalawang piso kada litro ng produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis.

Nagpaliwang naman kaagad ang Pilipinas Shell sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Pilipinas Shell Spokesman Roberto Kanapi, ipinapatupad lamang nila kung ano ang nagri-reflect sa presyuhan ng langis sa World Market.

Paliwanag pa nito  na kapag bumababa ang presyo sa pandaigdigang pamilihan ay nagpapatupad din naman sila kaagad ng
rollback.  Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply